Inihayag ng mga opisyal ng Amerika at Iran nitong Linggo na nagkasundo sila sa isang balangkas ng kasunduan upang wakasan ang digmaan sa pagitan ng dalawang bansa. Kasama rito ang pag-alis ng blockade ng US sa Iran, at muling bubuksan ang Strait of Hormuz.

Ang naturang paunang kasunduan ay nagdulot ng pagbaba ng presyo ng langis, ngunit nananatiling usapin sa karagdagang negosasyon ang magiging kapalaran ng nuke program ng Iran.

"The Deal with the Islamic Republic of Iran is now complete," deklara ni US President Donald Trump sa Truth Social platform dakong 5:30 p.m. ET local time in Washington (2130 GMT) nitong Linggo.

Inilabas ni Trump ang pahayag ilang sandali matapos ihayag naman ni Pakistani Prime Minister Shehbaz Sharif, na nagsilbing tagapamagitan sa peace talk, na nagkaroon na ng kasunduan nitong madaling-araw ng Lunes.

Nakatakdang lagdaan ang memorandum of understanding sa Biyernes sa Switzerland.

Hindi pa agad inilabas ang eksaktong mga detalye ng kasunduan. Ayon kay Sharif, kabilang dito ang "immediate and permanent termination of military operations on all fronts, including in Lebanon."

Isa umano sa mga pinakamahirap na usapin sa negosasyon ang Lebanon dahil hindi sinusunod ng Hezbollah at ng Israel ang mga panawagan nina Trump at iba pang lider na itigil ang kanilang mga pag-atake sa isa't isa nitong mga nakaraang linggo.

Sa isang pahayag, sinabi ng sekretarya ng Supreme National Security Council ng Iran na permanente nang magtatapos ang digmaan at mga operasyong militar nila, kabilang ang Lebanon, simula Lunes ng gabi.

Wala pang agarang reaksyon mula sa Israel, na nagsabing hindi ito bahagi ng pag-uusap ng US at Iran.

Sinabi ni Trump na muling bubuksan sa Biyernes ang Strait of Hormuz, na isang mahalagang rutang pandagat para sa pandaigdigang suplay ng langis at gas. Halos isinara ng Iran ang naturang daanan sa loob ng ilang buwan na naging dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa iba’t ibang bahagi ng mundo—kabilang ang Pilipinas.

Inanunsyo rin ni Trump ang pagtatapos ng blockade ng US sa mga daungan ng Iran.

"Ships of the World, start your engines. Let the oil flow!" saad ni Trump post.

Natapos lumabas ang balita tungkol sa pagtatapos ng digmaan, bumaba ang presyo ng langis sa international market. Bumagsak ang Brent crude ng 4% sa unang bahagi ng kalakalan noong Lunes, habang ang US West Texas Intermediate ay bumaba ng mahigit 4.6%.

Tumaas naman ang mga stock market sa Asya. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News