Itinuturing ang pamamaril ng dalawang estudyante sa San Jose National High School sa Tacloban City na kauna-unahang insidente ng mass school shooting sa Pilipinas. Paano nga ba isinakatuparan ng dalawang gunman na edad 14 at 15 ang pamamaril na ikinasawi ng tatlong estudyante at nagdulot ng trauma sa marami. Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang bakas na iniwan ng trahediya, gaya ng mga basag na mga bintana at mga butas sa mga pintuan at dingding sa mahabang pasilyo kung saan namaril ang mga gunman.

Nag-umpisa umanong ang pamamaril sa pinaka-canteen ng eskuwelahan, kung saan nakapuwesto ang 14-anyos na gunman malapit sa pinto ng isang silid-aralan. Minarkahan ng mga awtoridad kung saan nahulog ang mga basyo ng bala.

Ayon sa MAPEH teacher na si Jason Gayoso, nagkaklase na siya noon nang makarinig sila ng isang putok.

“Mga after one second ata. Tatlo na, bang-bang-bang,” ayon kay Gayoso, bagama’t hindi niya nakita kung may binaril ang gunman. Sa kabutihang palad, walang tinamaan.

Hanggang sa marinig ng mga estudyante na mayroong isa pa na nagpaputok sa kabilang CR, na siyang 15-anyos na gunman.

Pinadapa na ni Gayoso ang kaniyang mga estudyante habang naglalakad ang 14-anyos na gunman. Kalaunan, tinamaan ang 14-anyos na si Ayessa Nicole Dazo habang inuubos ng gunman ang bala sa magazine ng baril.

Ayon kay Gayoso, hindi naman sadyang tinarget ng gunman si Dazo.

Kalaunan, nagsalubong na sa pasilyo ang 14-anyos at 15-anyos na gunman, at nag-usap muna sa may CR.

Sunod na nilang pinaputukan ang mga silid-aralan at nasa loob ang iba pang mag-aaral. Isang estudyante ang tinamaan sa hita.

Sa takot, nagkumpulan sa isang sulok ang mga estudyante ng TLE teacher na si Glenn Bazar.

“Late na akong nakapasok diyan. Kasi nag-attempt ako to close the door. Tumakbo na lang ako doon sa corner na iyan. Unfortunately, hindi ako nakadapa kasi congested na 'yung area namin doon,” sabi ni Bazar.

Sinubukan ng gunman na barilin ang mga estudyante kaya nabasag ang salamin.

Ngunit ang guro na pinakana-trauma at nasaktan sa nangyari ang TLE teacher na si Evita Sayong na hanggang ngayon, hindi makayang bumalik sa kaniyang classroom.

“It's hard to say okay. Knowing that may mga bata ako na namatay. Dalawa po, si Lorenz Fabian at si Yancee Separa,” kuwento ni Sayong.

Estudyante rin ni Sayong ang 14-anyos na gunman.

“I checked the attendance. Doon ko nga nalaman na isa lang ang absent ko. Sabi ko, ‘Bakit nasaan siya?’ Sabi nila, nag-attend daw ng flag ceremony. Pero hindi naman siya pumasok. Come second period, kumakain ako mga ilang subo. Pumutok, may pumutok,” kuwento ng guro.

“May bata na tumatakbo. Sabi niya, ‘Ma'am may pusil, may pusil, may namumusil.’ Sunod-sunod na naputok. Nagtakbuhan na kami,” pag-alala pa ni Sayong.

Ayon kay Sayong, bukod kay Fabian, isa pang estudyante na si “Mark,” hindi niya tunay na pangalan, na sumubok na humarang sa pinto.

“Pagpaputok po nila doon, nag-alerto na po kami na mag-lock ng pinto. Tapos doon po, binalikan 'yung classroom namin, tsaka binubuksan nila. Tapos gusto po namin maligtas 'yung lahat po kami doon sa classroom. Mayroong po umiiyak, mayroong po sumisigaw,” sabi ni Mark.

Kasalukuyang nakakandado ang classroom nina Sayong.

“‘Yun po ang mahirap na part kasi nasa akin 'yung may mga casualties,” sabi ni Sayong.

“Kailangan lang mag-move on. Kumbaga sa amin, padayon lang,” sabi ni Sayong.

Tunghayan ang naging pagtutok ng KMJS sa insidente at ang panawagan ng mga pamilya ng mga biktima para sa hustisya. Panoorin ang video. – FRJ GMA News