Isang 30-anyos na babae ang hinoldap at pinagsamantalahan sa loob ng kaniyang sasakyan ng isang lalaki na nagpakilalang pulis sa Angeles, Pampanga.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ng biktima na naka-park ang kaniyang sasakyang sa parking area ng isang hotel nang lapitan siya ng salarin.
Tinutukan umano ng baril ang biktima at pinaupo sa passenger seat, at saka pinaandar ng suspek ang sasakyan.
Itinigil umano ng salarin ang sasakyan sa isang bakanteng lote at doon na siya pinilit na maghubad.
Kinuha rin nito ang cellphone at cash ng biktima na P13,000.
Kinalaunan, ibinalik ng lalaki ang sasakyan sa parking area kasama ang biktima, na nakapiring [may takip ang mga mata] at nakatali ang mga kamay sa kambiyo, at nakahubad.
Hanggang sa may nakakita sa biktima at tinulungan siya.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at pagtugis sa salarin. – FRJ GMA News
