Ang bagyong Inday ang unang Super Typhoon na pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong taon. Gaano nga ba kalakas ang super typhoon at anu-ano ang limang kategorya ng bagyo? Alamin.
Sa ulat ng GMA News Feed, ipinaliwanag ni Daniel James Villamil, Weather Specialist sa PAGASA na natutukoy ang category ng bagyo base sa lakas ng hangin o wind speed sa gitna ng sentro nito.
Ayon sa PAGASA, may limang uri ng bagyo sa Pilipinas. Una ang Tropical Depression, na siyang pinakamahinang bagyo at may lakas na hangin na umaabot sa 61 kph.
Susunod ang Tropical Storm, na umaabot ng 62 kph hanggang 88 kph ang lakas ng hangin.
Ang Severe Tropical Storm naman, may lakas ang hangin na nasa 89 kph hanggang 117 kph.
Tatawagin nang Typhoon ang bagyo kapag umabot na ang hangin nito sa 118 kph hanggang 184 kph.
Samantalang magiging Super Typhoon ito na pinakamataas na classification kung ang hangin na taglay ay nasa 185 kph pataas.
“Porke't ba sinabi mong typhoon lang, hindi siya mapaminsala? Maski tropical depression lang, hindi mapaminsala? Ang basehan lang naman po kasi ng classification natin sa mga bagyo ay iyong hangin. May mga case na iyong tropical depression, mas nagdala ng mas malakas na ulan as compared sa severe tropical storm. Kasi at the end of the day, classification lang naman po ito, gamit natin iyong wind speed. Super typhoon, mas mapaminsala siya with regards to wind,” sabi ni Villamil.
Madalas umanong hagupitin ng bagyo ang bansa dahil nakaharap sa Pacific Ocean ang Pilipinas.
“Kumbaga, tayo iyong pinakaunang bansa na naka-expose sa Pacific Ocean kung saan namumuo ang bagyo. Usually kasi ang mga bagyo, westward ang kaniyang paggalaw, tayo ang pinakaunang bansa na tatamaan ng mga sama ng panahon na ito,” sabi pa ni Villamil.
Sinabi ng PAGASA na 20 tropical cyclones ang pumapasok sa bansa, at walo o siyam dito ang nagla-landfall kada taon.
“lyong center ng bagyo, direkta o makikita natin sa ating satellite and radar analysis, direktang tumama ito sa kalupaan. lyan po ang meteorological definition natin ng landfall,” sabi ni Villamil.
Sinabi ng PAGASA na ang Bagyong Yolanda na humagupit sa bansa noong 2013 ang pinakamalakas na super typhoon na tumama sa Pilipinas.
Umabot sa 315 kph ang taglay nitong hangin na nagdulot ng P95.5 bilyong pagkasira sa mga ari-arian at umabot sa 6,300 ang mga namatay.
“Mas naging concern natin iyong storm surge kasi given the geographical location of Tacloban kung saan ito nag-landfall, prone talaga siya sa storm surges. Nangyari noong 2013, sa kasamaang palad, the geographical characteristics of Tacloban area na pinag-landfallan ng Yolanda ay nag-cause ng malaking damage ng storm surge,” sabi ni Villamil.
Kapag humagupit ang bagyo, isiguro ang mga tahanan, at manatili lamang sa loob nito hangga’t maaari. Lagi ring magmonitor ng balita para sa update tungkol sa bagyo.
Mag-imbak din ng pagkain malinis na tubig, at first aid supplies.
Kung malapit sa flood-prone area ang bahay, pumunta agad sa pinakamalapit na evacuation center. – FRJ GMA News
