Nadakip na ang lalaking nangholdap at nangmolestiya umano sa isang babae sa loob ng sasakyan sa Angeles, Pampanga. Ang suspek, iniuugnay sa hindi bababa sa 15 kaso ng pagnanakaw at seksuwal na pang-aabuso.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nadakip ang suspek nitong Huwebes sa isang paradahan sa San Fernando, Pampanga, sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Police Drug Enforcement Group, katuwang ang Police Regional Office 3 (PRO3),
“Iba-ibang approach. Minsan, by chance lang kung ano ang makita niya. Meron naman talagang binabalik balikan niya. Inaaral niya yung establishment kung saan ang tao, CCTV," ayon kay Police Brigadier General Jess Mendez ng PRO3.
Ang babae na kaniyang huling biniktima, nasa loob ng sasakyan na nakaparada sa isang parking area nang tutukan niya ng baril.
Pinaupo niya ang biktima sa passenger seat at minaneho ang sasakyan hanggang sa makarating sa isang bakanteng lote at doon isinagawa ang krimen.
Nang makuha ang cellphone, pera at molestiyahin ang biktima, inihatid niya ang biktima sa paradahan na nakahubad, tinakpan ang mga mata, at itinali ang kamay sa kambiyo, at saka iniwan.
"Nagmamakaawa ako sa kaniya, sabi ko huwag mo akong papatayin. May anak akong naghihintay sa akin. May mga pamangkin pa akong pinapaaral," ayon sa biktima.
Nakita sa CCTV footage na sumakay ng tricycle ang suspek at nagpalit ng damit.
Nagsagawa ng operasyon ang pulisya matapos mamataan ang suspek sa isang paradahan sa San Fernando, at doon siya naaresto.
Nabatid din na dati na siyang nakulong dahil sa mga kasong pagnanakaw at carnapping.
“Nakasuhan siya, nakulong, 'yung kaso niya is saying na one year lang siya through good behavior. 'Pag nakawala siya, gagawa na naman ng krimen," ani Mendez.
Matapos ang pagkakaaresto sa suspek, dalawa sa kaniyang umanong mga naging biktima ang lumantad, kabilang ang isang menor de edad. — FRJ GMA News
