Naging bahagi na ng kasaysayan ng mga Pilipino ang enggrandeng sayaw na Rigodon de Honor, na dinala rito ng mananakop na mga Kastila. Ano nga ba ang tradisyong ito na pinapanatiling buhay sa Quezon? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” sinabing dinala ng mga Kastila sa bansa ang Rigodon de Honor noong ikalabing-anim na siglo.

Pagdating naman ng panahon ng mga Amerikano, naging pambungad na tradisyon ito sa bulwagan ng Malacañang.

Higit pa sa simpleng pag-indak, simbolo rin ng karangalan, disiplina at kapangyarihan ang Rigodon de Honor, dahil mga nasa “alta sociedad” o ang mga may kapangyarihan ang mga lumalahok ditto noon.

Kabilang na rito ang Pangulo at Unang Ginang ng bansa na nagsisilbing kabisera o ang nangunguna sa pagsasayaw ng Rigodon de Honor.

“Very symbolic siya dahil ilang selebrasyon at ilang araw o sitwasyon lang kung kailan siya sinasayaw talaga. Sinasayaw siya tuwing may pagbabago sa liderato, kung may bagong bishop o may bagong Gobernador General, o gumagawa talaga ng sayaw na ito ay nasa naghaharing uri lamang ng mga Pilipino at mga Espanyol,” paliwanag ni Josef Tosoc, Instructor, Humor Studies, Ritual Performances, Rhetoric and Citizenship sa U.P. Diliman.

Sa pagdating ng panahon, mistulang unti-unti na ring nagretiro sa mga importante at pampublikong okasyon ang Rigodon de Honor.

Pero sa bayan ng Alabat sa Quezon, nananatiling buhay ang Rigodon de Honor sa pamamagitan ng Rigodon choreographer na si Jay Martinez.

“Bale nag-umpisa po ako ng pagsasayaw ng Rigodon de Honor. Noong kasi pong bata pa ako, malapit po 'yung bahay namin sa munisipyo. Doon po ginagawa 'yung mga social gatherings, may mga sayawan. So ngayon, noong naging teacher na po ako noong 2004, ang tinuturo po lagi namin dito ay mga Paso Doble, kasi sa high school. Then ‘pag po ang Rigodon ay sa mga special events lahat tulad po ng tomo posisyon, sa mga Hermano, sa mga piyesta,” kuwento niya.

Kaya naman si Martinez ang nagsisilbing maestro na nagpapanatili ng Rigodon de Honor sa loob ng mahigit dalawang dekada sa kanilang lugar.

Sa mahigit dalawang dekada ni Martinez sa pagtuturo, hindi na niya mabilang ang mga pagtatanghal na siya ang choreographer.

Bago ang pag-indayog sa entablado, dumadaan muna sa matinding hamon ang mga maestro dahil isa sa pinakamahirap na buuin ang mga hakbang ng Rigodon de Honor.

Kumplikado ang puwesto nito at bawal baguhin ang tradisyunal na galaw.

Sa kaso ng mga tinuturuan ni Martinez, hindi mga propesyunal na mananayaw ang mga kalahok, kundi karaniwang maybahay, estudyante, at guro.

“Ang Rigodon de Honor po ay sumisimbolo para sa akin. Una 'yung pagpapahalaga po sa kasaysayan. Sa kultura, lalo na po dito sa aming sa Alabat,” sabi ni Martinez.

Sa hudyat ang maestro, nagiging isang organisado ang galaw ng bawat isa.

Sinisimulan ang Rigodon de Honor mula sa marahang pagpasok ng mga magkakapareha, hanggang sa marangyang pagpupugay sa isa't isa. Tunghayan sa video ang buong kuwento.—FRJ GMA News