Inalmahan ng mga animal welfare group ang biglang pananapak ng isang 18-anyos na vlogger sa hawak niyang tuta sa Cauayan, Negros Occidental.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang viral video ng pananakit ng lalaking vlogger sa tuta.
Sa video, makikita na nakaharap sa camera ang lalaki habang hawak ang tuta na nakaharap din sa camera. Maya-maya lang, biglang sinapak ng lalaki ang tuta na tumilapon at maririnig na umiyak.
Matapos ang ginawang pananakit, nagpatuloy pa rin ang lalaki sa pagba-vlog.
Paliwanag ng vlogger sa pulisya, “for the content” lang umano ang kaniyang ginawa para magpatawa umano ng mga tao.
Gayunman, kinondena ito ng ilang animal welfare groups at planong sampahan ng reklamo ang vlogger.
Ayon sa Animal Welfare Act, ipinagbabawal ang pananakit o pang-aabuso sa mga hayop.
Maaaring kaparusahan ang may sala ng hanggang dalawang taong pagkakakulong at multang hanggang P100,000 kung masawi ang hayop.
Hindi pa nagbibigay ng tugon ang vlogger nang hingan ng komento ng GMA Regional TV. – Jamil Santos/FRJ GMA News
