Pansamantalang itinigil ng pamahalaan ng Canada ang pagtanggap ng mga bagong aplikasyon sa ilalim ng Parents and Grandparents (PGP) Program hanggang sa susunod na abiso. Ang hakbang ay bahagi umano ng layunin na, "to maintain a well-managed, sustainable immigration system."
"As part of these efforts, Immigration, Refugees and Citizenship Canada (IRCC) is pausing the intake of new applications under the Parents and Grandparents Program," saad ng pamahalaan ng Canada sa inilabas na pahayag kamakailan.
"We will continue to process existing applications and plan to approve up to 15,000 people for permanent residence through the PGP Program in 2026, in line with the 2026–2028 Immigration Levels Plan," dagdag nito.
Ayon sa Canada, inaasahang makatutulong ang pansamantalang paghinto sa pagtanggap ng mga bagong aplikasyon upang mapabilis ang pagproseso ng mga kasalukuyang aplikasyon at maging mas malinaw ang proseso para sa mga pamilya.
Sa ilalim ng 2026–2028 Immigration Levels Plan ng IRCC, layunin ng pamahalaan ng Canada na mapababa ang bilang ng mga pansamantalang residente nang mas mababa sa limang porsiyento ng kabuuang populasyon pagsapit ng katapusan ng 2027.
Target din nitong tumanggap ng 15,000 permanent residents sa ilalim ng PGP Program sa 2026, at tig-15,000 pa sa 2027 at 2028
Halos 1 milyong Pinoy sa Canada
Sa kabila ng pagbabago sa polisiya, iginiit ng IRCC na nananatiling mahalagang bahagi ng immigration system ng Canada ang muling pagsasama-sama ng mga pamilya.
"Parents and grandparents continue to be able to visit their children and grandchildren in Canada through the super visa, which allows them to visit their children or grandchildren for five years at a time and provides multiple entries to Canada for up to 10 years," ayon sa IRCC.
Sinabi rin ng ahensya na ang mga ipinatupad na pagbabago sa income at health insurance requirements nito ay nagpadali sa pagkuha ng super visa. Kaya mas marami umanong pamilya ng mga Canadian citizen at permanent resident ang maaaring magsama-sama nang mas matagal.
Batay sa pinakabagong sociodemographic study, binanggit ng pamahalaan ng Canada, apat na beses na lumaki ang populasyon ng mga Pilipino sa bansa mula 1996 hanggang 2021.
Batay sa 2021 Census of Population ng Canada, mahigit 957,000 na ang mga Pilipinong naninirahan sa bansa.
Dagdag pa sa pag-aaral, 75.3% ng populasyong Pilipino sa Canada ay ipinanganak sa labas ng bansa, at halos lahat sa kanila ay isinilang sa Pilipinas.-- Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News

