Naospital noong nakaraang taon, nagbigay ng update ang komedyanteng si Dagul tungkol sa kaniyang kalusugan, at kung paano niya hinaharap at ng kaniyang pamilya ang pagsubok sa buhay.

Sa nakaraan niyang guesting sa “Kay Susan Tayo! Vlogs,” ikinuwento ni Dagul, o Romeo "Romy" Queddeng Pastrana sa totoong buhay, na nagpabalik-balik siya sa ospital noong nakaraang taon dahil sa kaniyang sakit na pulmonya at sleep apnea. Bukod dito, mino-monitor din ang kaniyang kidney.

Kasalukuyang naka-wheelchair si Dagul.

“Dati kasi Ma’am Susan, nu'ng medyo okay pa ako, nagti-taping-taping sa Goin' Bulilit. Hindi ko na kaya maglakad nang malayo. So ngayon, talagang totally na hindi ko na kaya kasi nga 'yung tuhod ko. Medyo siguro mabigat na ang katawan ko. So hindi na kaya ng tuhod ko na maglakad,” kuwento niya.

May natagpuan umanong tubig noon sa kaniyang baga.

“So sa ngayon, mino-monitor. Hanggang nu'ng hospital ako, nawala, nawala na,” saad niya.

Iniinda rin ni Dagul ang kaniyang katarata.

“Opo, sa left ko, nagpatingin ako, may katarata. Kaya lang hindi ko agad maoperahan kasi mino-monitor 'yung heart ko, marami silang hinihingi na test. So hindi ako makapa-opera. At saka, at the same time, financial,” ayon sa komedyante.

Inilahad niya ang takot na posibleng hindi humantong sa hindi inaasahan ang kaniyang pagpapagamot.

“At saka 'yung [kinokonsidera] pa, ma'am Susan, kasi baka ‘pag na-anesthesia daw ako, baka hindi makayanan na mahaba ang operasyon. Baka hindi ako makagising,” patuloy niya.

Sa bahay lang

Bumuti na ang kalagayan, kasalukuyang nagpapagaling si Dagul sa loob ng tahanan.

“Dito lang naman ako kasi 'pag walang mga raket-raket, dito lang po sa bahay. Kasi 'yung mga bata, ito si Jkhriez umaalis. ‘Pag may pasok, may raket din. Si misis doon sa tindahan namin na sa anak ko na rin ‘yun, ako lang mag-isa dito sa bahay,” kuwento pa niya.

Sa tuwing may kailangan siyang gawin, nariyan ang kaniyang asawang si Aljen para tulungan siya. Ang kaniya namang anak na pangatlo ang bumubuhat sa kaniya.

Kapag wala ang kaniyang asawa at mga anak, “Wala eh, tiis-tiis. Parang nasanay na rin.”

Mayroong katabing arinola si Dagul sa tuwing nababanyo siya.

“Wala na talagang magawa, gano'n na. Maghintay na lang kung anong darating.”

Panawagan

Patuloy ang panawagan ni Dagul para sa tulong na magkaroon ng proyekto.

“Gusto ko rin na magkaroon ng trabaho,” sabi niya.

“So sabi ko, ‘Sana Lord,’ ‘yung pinakasandata ko, magdasal. Sabi ko, ‘Lord, tulungan mo naman kami na sana may darating na biyaya o trabaho. Kung sino man ang mahipo mo, matulungan kami. Sana gano'n ang mangyari,” panalangin ni Dagul.

Matatandaang napanood si Dagul sa comedy sitcom noon na “Kool Ka Lang.” Naging mainstay naman siya sa children's sketch comedy show na “Goin' Bulilit.” – FRJ GMA News