Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes na naayos na ang kasunduan sa Villar Group of Companies para sa donasyon ng mga lupain ng kumpanya upang maresolba ang mga problema sa right-of-way (ROW) na nakahahadlang sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension project sa bahagi ng Las Piñas.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na nagkasundo ang dalawang panig—ang DOTr at ang Villar Group—sa tatlong hindi mapag-uusapang kondisyon para sa donasyon ng lupa na, "the granting of an unconditional permit to enter, the waiver of subrogation against the government, and the cancellation of the mortgage on the property to be donated."
Nabuo ang kasunduan sa isang pagpupulong nina Transportation Secretary Banoy Lopez at ng mga kinatawan ng Villar Group ngayong Biyernes, Agosto 7, 2026.
Ayon sa DOTr, anim na lote ang ido-donate ng Villar Group, at dalawa sa mga ito ay kasalukuyang nakasangla.
"This development is good for DOTr, LRMC (Light Rail Manila Corporation, LRTA (Light Rail Transit Authority) and the Villar Group, but best for the commuting public," ani Lopez.
"Itong pagkakasundo natin, talagang commuters ang pangunahing makikinabang, at 'yun naman talaga dapat ang priority natin," dagdag niya.
Noong nakaraang buwan, inatasan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si Lopez na agarang lutasin ang mga hadlang sa right-of-way ng LRT-1 Extension hanggang Cavite.
Nangako rin ang LRTA na matatapos ang buong proyekto ng LRT-1 Cavite Extension bago matapos ang termino ng administrasyong Marcos sa 2028.
Ang Phase 1 ng proyekto, na kasalukuyan nang ginagamit ng publiko, ay nag-uugnay sa Baclaran Station sa Pasay City at Dr. Santos Station sa Parañaque City sa pamamagitan ng limang estasyon:
- Redemptorist-ASEANA Station
- MIA Road Station
- PITX Station
- Ninoy Aquino Avenue Station
- Dr. Santos Station
Samantala, ang Phase 2 at Phase 3, na sumasaklaw sa bahagi ng Cavite, ay kinabibilangan ng tatlong estasyong hindi pa naitatayo:
- Las Piñas
- Zapote
- Niog
Sinabi naman ng Villar Group na inaasahang makukumpleto sa loob ng susunod na anim na buwan ang proseso ng pagkansela sa pagkakansangla sa mga apektadong lote.
Idinagdag pa ng kumpanya na natukoy na rin ang mga kapalit na ari-arian para sa dalawang nakasanglang lote upang mapadali ang paglilipat ng mga lupang ido-donate.
Nagpahayag din ng kumpiyansa ang Villar Group na malalagdaan sa loob ng buwang ito ang mga kinakailangang kasunduan para sa donasyon ng lupa. Kabilang ang Memorandum of Agreement, Right-of-Way Acquisition Agreement, at Deed of Donation, na magbibigay-daan upang makapagsimula ang konstruksyon sa lalong madaling panahon sa susunod na taon.
Ayon sa DOTr, dumalo rin sa pulong si LRMC President at CEO Enrico Benipayo.
"I see that there's this urgency from the government to provide relief for passengers. And on the part of the Villars (Group of Companies) there's a good sign that they're talking to the grantors in good faith. With this milestone, I think a major hurdle has been finished," ani Benipayo.
Pinondohan ang LRT-1 Cavite Extension project sa pamamagitan ng hybrid financing scheme na binubuo ng pambansang pamahalaan, official development assistance (ODA) mula sa Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA), at ng pribadong operator na Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Iginawad ang proyektong nagkakahalaga ng P64.9 bilyon sa LRMC noong Setyembre 2014, ngunit pormal lamang na pinamahalaan ng pribadong katuwang noong Setyembre 2015.
Sa ilalim ng kasunduan, pamamahalaan ng LRMC ang LRT-1 sa loob ng 32 taon. Bahagi rin ng kanilang tungkulin ang pagpapalawig ng linya ng 11.7 kilometro, mula sa kasalukuyang 20.7 kilometro hanggang 32.4 kilometro.— FRJ GMA News

