Dahil sa walang tigil na mga pag-ulan nitong mga nakaraang araw, marami na namang sasakyan ang nalubog sa baha. Sasagutin ba ng insurance ang pagpapaayos sa binahang sasakyan o motorsiklo kahit na sadyang inilusong ng motorista? Alamin.
Sa “Ask. Atty. Gaby” sa Unang Hirit, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na hindi awtomatikong covered ng insurance ang lahat ng sasakyan na nalubog sab aha.
Unang titingnan kung ano ang coverage ng insurance policy ng sasakyan, dahil nakadepende sa mismong terms, conditions, exclusions, at coverage ng policy na binayaran ng rider o driver ang aktuwal na pananagutan ng insurance company.
Asahan na ang may mas malawak na coverage ng policy ay may mas mataas ding premium o babayaran.
Kahit na may comprehensive motor vehicle insurance, hindi mababayaran ng insurance company ang pinsala sa sasakyan kung dulot ito ng “acts of nature” o “acts of God” tulad ng baha, bagyo, storm surge, lindol, sunog at iba pang katulad na sakuna o kalamidad.
Sa halip, dagdag na bayad ang pagdagdag ng coverage na “acts of God” at “acts of nature.”
Kung Compulsory Third Party Liability (CTPL) lamang ang insurance ng sasakyan – na siyang required ng batas para sa lahat ng sasakyan para marehistro ito – tiyak na hindi nito sasagutin ang pinsala dahil sa baha, dahil para lamang sa death o bodily injury lamang ng third party o passenger arising from the use of the motor vehicle ang CTPL.
Kung inilusong naman ang sasakyan sa baha, gaya ng isang sasakyan kamakailan na nakunang naglakas loob tawirin ang baha sa Mother Ignacia, tatanggihan ang claim nito kahit na may acts of nature o act of God coverage.
“Ito po ay dahil kahit na covered sana kayo sa mga act of nature tulad ng baha, ayon sa Article 89 ng Insurance Code, as amended, walang liability ang insurance company kung ang insured ay guilty of gross negligence or kung ang damage ay dahil sa deliberate at willful act,” paliwanag ni Atty. Gaby.
“So kung maipapakita ng ebidensiya na ang sasakyan ay sadyang inilubog o ipinilit gamitin sa isang lugar na may matinding pagbaha, maaaring magkaroon ng ground ang insurer para i-deny ang claim,” pagpapatuloy niya.
Dagdag ni Atty. Gaby, kung may mga warning nang nakapaskil na napakalalim na ng baha, o nakita na ng driver na hanggang leeg na ang tubig o nagda-dive na ang mga bata sa underpass ngunit inilusong pa rin ang sasakyan, posible itong matinding pagpapabaya sa parte ng motorista, na hindi pananagutan ng insurance company ang pinsala.
Taliwas ito kapag nakaparada lang sa parking lot ang sasakyan, biglang nagkaroon o tumaas nang husto ang tubig, o nagkaroon ng flash flood.
Hindi ito maikokonsiderang gross negligence at covered ng insurance.—Jamil Santos/FRJ GMA News
