Nauwi sa kaguluhan ang pagnanais ng isang lalaking kostumer na makahigop ng mainit na sabaw ng bulalo at masupsop ang buto nito. Ngunit dahil sa panaderya niya inorder ang bulalo, cup noodles na bulalo flavor ang nakuha niya.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV's QRT nitong Biyernes, ipinakita ang video na nakikipagsuntukan ang lalaking kostumer sa tauhan naman ng panaderya sa Pedro Gil sa Maynila.

Tila ayaw magpaawat ng lalaki sa pagwawala kahit pa inaawat na siya ng ilang kalalakihan hanggang sa dumating na ang mga kagawad ng barangay.



Kwento ng babaeng tindera, sinabi niya sa lalaking kostumer na tinapay ang kanilang itinitinda sa panaderya.

Dagdag pa ng tindera, ang lalaki rin umano ang umorder ng bulalo flavored noodles pero nang maibigay na ito ay tunay na bulalo soup na may buto na raw ang hinahanap nito.

Hindi naman daw nagwawala ang lalaki at nagpaliwanag ito kung bakit ayaw niyang bayaran ang inorder na cup noddles.

"Ang gusto ko lang malaman ang order ko ay bulalo, bakit ako bibinigyan ng cup noodles? Bakit ko babayaran yung cup noodles?," katwiran niya sa kausap na lalaki.

Dagdag pa niya, "Pare ang bulalo mga buto-buto, may laman, sinusupsop ang bulalo pare, ang cup noodles... noodles, noodles, pare!"

Basahin: Ang lalawigang sikat at pinagmulan umano ng masarap na sinabawang 'Bulalo'

Hindi binanggit sa ulat kung nakainom o lasing ang lalaki pero isinama muna siya sa barangay hall para pagpahingahin at saka umano aalamin kung mayroon nais magsampa ng reklamo laban dito. -- FRJ, GMA News