Nabutas at kinailangang palitan na ang gulong ng isang kotse matapos nitong masagasaan ang isang "matibay" na pustiso na nalaglag sa Iligan City, Lanao del Norte.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, sinabing nag-viral ang larawan ni Leo Ricate na makikita ang pustiso na mistulang "nakakagat" sa gulong ng kaniyang kotse.

Kuwento ni Ricate, pauwi na siya galing sa lamay nang maramdaman niyang may nakasabit sa gulong ng kaniyang sasakyan.

Tumigil siya para silipin ang gulong at doon niya nakita ang nakatusok na pustiso.

Sinubukan daw ni Ricate na ipaayos sa vulcanizing shop ang gulong pero dahil sa laki ng butas ay pinayuhan siya na magpalit na nang bago.

Nag-post din siya ng panawagan sa Facebook para sa may-ari ng pustiso na makipag-ugnayan sa kaniya para maibalik ito na buo pa rin.--FRJ, GMA News