Isang barangay kagawad sa Midsayap, Cotobato ang nag-viral sa social media matapos rumampa sa COVID-19 vaccination site ng naka-gown, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Martes.

Isang proud member ng LGBT community si Leonico “Batoy” Tayong ng Barangay Villarica noong siya ay dumating sa vaccination site upang makuha ang kaniyang second dose.

Suot ang isang pulang gown at sash na may nakasulat na “Ms. Pfizer 2nd Dose,” nagmistulang Miss Universe contestant si Batoy sa pagdala ng kasiyahan sa site.

Ginawa niya raw ito upang hikayatin ang iba na magpabakuna at mapagaan ang pakiramdam niya matapos ang takot na naramdaman noong nagpaturok ng unang dose. — Jiselle Anne Casucian/VBL, GMA News