Nahuli ang dalawang suspek sa panghoholdap sa isang gasolinahan sa Santa Barbara, Iloilo matapos aksidenteng mabaril ng isa ang kanyang sarili.

Kinilala ang mga suspek na si Alex Alvarez at Edmarc dela Cruz, ayon sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Cebu sa Unang Balita nitong Martes.

Na-hulicam ang panghoholdap na naganap sa Barangay Balibagan Este isang gabi, base sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas.

Sa kuha ng CCTV video, nakitang tinutukan ng mga suspek ang kahera.

Kinuha ng mga suspek ang kita ng gasolinahan na napag-alamang umabot ng P22,000.

Nang papaalis na ang mga suspek sakay ng motor, aksidenteng nabaril ni Alvarez ang sarili.

"Pag-conduct ng investigation, si Alex nang ilagay niya ang kanyang baril sa kanyang sling bag ay bigla itong pumutok at tinamaan ang kanyang binti," ayon kay Police Lieutenant Aileen Lacrite, deputy ng Santa Barbara Municipal Police Station.

Sa ospital, kinilala ng kahera ang suspek.

Sumuko na rin sa mga awtoridad si dela Cruz at inaming nagawa ang krimen dahil nakasanla ang kanyang motorsiklo matapos silang matalo sa sugal.

Mahaharap sa kaso ang dalawang suspek. —KG, GMA News