Isang 8.2 talampakang giant squid na mas malaki pa sa tao ang namataan ng mag-asawang diver sa Toyooka City, Japan. Pero sabi ng eksperto, medium-sized pa ito.

Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa isang video ang isa sa mga diver na lumapit sa giant squid.

Gumagalaw ang tentacles ng pusit, ngunit nakitaan ito ng panghihina, ayon sa mga diver.

Natatanggal din ang ilang bahagi ng balat ng pusit.

Ayon kay Yosuke Tanaka at asawang si Miki, nabanggit sa kanila ng ilang residente sa isang fishing shop ang tungkol sa umano'y higanteng pusit.

Ilan na rin ang nakakita rito pero hindi raw malapitan. Kaya nagpasya ang mag-asawa na mag-dive para hanapin ang pusit.

Sa loob lamang ng 30 minuto nilang pag-dive, nagpakita ang higanteng pusit.

"We swam together and took pictures. I was so happy that the squid was within my reach but its eyes were so big. It was so big that I started to feel scared," sabi ni Miki Tanaka.

Sinabi ng mga marine expert na bihira itong mangyari dahil nakatira sa malalalim na parte ng dagat ang mga higanteng pusit.

Madalang daw na pumunta sa mabababaw na bahagi ng dagat ang naturang uri ng pusit, katulad sa malalapit sa baybayin.

Ayon sa isang honorary researcher sa National Museum of Nature and Science, nasa dalawang taong gulang ang nakitang pusit. At sa kabila ng sukat ito, itinuturing pa itong medium-sized lang  dahil umaabot umano sa 43-ft ang isang giant squid.

May mga insidente na kung saan umatake ng tao ang mga giant squid.

Likas sa mga ito na atakihin ang anumang bagay o nilalang na hindi sa kanila pamilyar, at lalo kung makararamdam sila ng peligro. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News