Nabulilyaso ang tangkang pagnanakaw ng isang lalaki sa isang bahay sa Marikina City dahil sa pagiging alerto ng dalawang alagang aso ng may-ari ng bahay na kaniyang pinasok.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa labas at loob ng bahay ng bibiktimahin sana ng kawatan sa Barangay Sta. Elena dakong 3 a.m.

Sa labas ng bahay, nakuhanan ang mukha ng suspek, pero nagsuot na siya ng facemask at sumbrero nang pumasok na siya sa sala.

Pero hindi pa nagtatagal ang kawatan, dali-dali na siyang umalis nang madinig niya ang pagtahol ng Dacshund na aso na si "Balsy," at Shitzu na si "Black."

Nang makarating sa sala ang dalawang aso, wala na ang kawatan. Pero kapansin-pansin na sinilip pa ni Balsy at tila naamoy kung saan dumaan ang kawatan.

“Inaamoy niya po yan… Dyan galing 'yung magnanakaw, na a-amoy niya na may ibang tao,” ayon sa fur parent.

Tila ginising din ng aso ang 10-taong-gulang na anak ng may-ari ng bahay na natutulog sa sofa sa sala.

Nagising na rin ang padre de pamilya at sinuri ang kanilang bahay.

“Alam niya 'yung pasikot-sikot dito sa bahay. Unang-una, naglalakad siya papunta, tinumbok niya yung likuran ng pintuan namin,” ayon sa ginang.

Bagaman walang natangay ang kawatan sa naturang bahay, napag-alaman na may ibang bahay pa ito na pinasok sa lugar at nakakuha siya ng tatlong cellphone.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng kawatan.

Payo ng pulisya sa mga aalis ng bahay para magbakasyon ngayong Semana Santa, ipaalam sa barangay o awtoridad kung aalis sila. Huwag ding magpo-post sa social media na magbibigay ng impormasyon na walang tao sa kanilang buhay.

“Napakainam po nito dahil malalaman ng ating kapulisan at patuloy na mapapatralyuhan, maiikutan, at the same time yung police presence…Wag magpakita ng senyales, o palatandaan na ang bahay ay iiwan, wag magpapaskil na ang bahay ay walang tao,” payo ni Police Captain Grego Gonzales, PIO-Marikina Police. --FRJ, GMA Integrated News