Natagpuan sa magkaibang bahagi ng Tarlac City River ang dalawang bangkay—isang lalaki at isang babae— nitong Miyerkoles.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nakita kagabi ang katawan ng isang 86-anyos na lalaki, na residente ng Barangay San Vicente.

Napag-alaman na unang iniulat na nawawala ang biktima noong September 23, kaya humingi ng tulong sa mga awtoridad ang kaniyang mga kaanak para mahanap siya.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung ano ang sanhi ng pagkamatay ng lalaki.

“According to his son baka tatawid siya ng ilog kasi ang sabi ng anak niya baka hihingi ng pera sa kapatid niya sa kabilang baryo,” ayon kay Police Lt. Col. Glen Santiago, hepe ng Tarlac City Police Station.

Samantala, nakita naman sa ilog sa bahagi ng Barangay Salapungan nitong Miyerkoles din ang bangkay ng isang babae.

Pinaniniwalaang nalunod din ang biktima pero walang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga wtoridad, na patuloy din imbestigasyon sa insidente.—FRJ GMA News