Patay na nang matagpuan sa loob ng isang nakaparadang sasakyan ang isang lalaki, at may tama ng bala ng baril sa Tuba, Benguet.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nakita ang sasakyan na nakaparada sa gilid ng Kennon road sa boundary ng Camp 3 at Barangay Twin Peaks nitong Martes.
Nakilala ng mga awtoridad ang biktima na 56-anyos, at isang bank executive na residente sa Baguio City.
Ayon sa pulisya, nakita ang biktima na may tama ng bala sa ulo, at nakaupo sa passenger seat sa unahan ng sasakyan.
Nakita rin ng mga awtoridad sa sasakyan ang isang baril na kalibre .22.
Nagsasagawa ng backtracking ng CCTV footages ang mga awtoridad na maaaring makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA News
