Patay ang isang driver ng kotse na sinadyang mang-araro ng mga sibilyan sa Jerusalem matapos siyang barilin. Lima ang sugatan sa insidente.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang pagpigil ng mga tao sa muling pag-andar ng kotse ng suspek matapos araruhin ang ilang sibilyan.

Makikitang may nakahandusay na katawan sa hood ng sasakyan, samantalang isa naman ang nakahiga sa kalye.

Ilang saglit pa, isang lalaking may hawak na baril ang lumapit sa driver side ng kotse at pinaputukan ang driver.

Sinabi ng pulisya na nasawi ang driver na lalaking Palestinian.

Base sa imbestigasyon, sadyang sinaktan ng lalaki ang mga sibilyan.

Tinawag ito ng Prime Minister ng Israel na terrorist attack.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News