Nakuhanan ng video ng isang rider ang pakikipag-usap niya sa isang matandang babae na umangkas umano sa kaniyang motorsiklo sa dis-oras ng gabi sa Batangas. Madidinig pa ang pagsagot ng matanda sa pag-uusap nila ng rider. Pero nang ipaling ng rider ang camera ng kaniyang cellphone sa likuran, nangilabot siya dahil wala siyang angkas.

Sa ulat ni James Agustin sa "Brigada," ikinuwento ng rider na si Ace Anthony Tiglao, na nangyari ang nakakakilabot na insidente noong June 22. Batay sa record ng video sa cellphone, nangyari ang lahat dakong hatinggabi sa Balayan, Batangas.

Ayon kay Tiglao, inihatid niya noon ang kaniyang hipag at pauwi na siya nang madaanan niya ang matandaan babae sa isang liblib na bahagi ng kalsada.

Sabi pa ni Tiglao, nasa gilid ng daan ang matanda na tila hirap nang maglakad. At nang malapit na siya, pinara siya ng matanda at tinawag siyang "tutoy."

Dahil sa awa, huminto si Tiglao at nakiusap umano ang matanda na makikisabay hanggang sa San Piro.

"Pag-angkas niya po sa akin hindi siya humawak sa akin, hindi ko po siya naramdaman. Pero naramdaman ko na bumigat yung motor," ayon sa rider.

Habang bumibiyahe, bukas ang video ng cellphone ni Tiglao kaya madidinig ang usapan nila ng angkas niyang matandang babae.

Pero habang papalayo na sila, humina na rin ang boses ng matanda hanggang sa nawala na ito. Nang ipaling ni Tiglao ang camera ng cellphone sa kaniyang lukuran, doon niya lang nalaman na wala siyang sakay.

Ayon kay Tiglao, pinaharurot na niya ang kaniyang sasakyan sa takot.

"Sobrang nakaka-shock. Unnatural po yung feeling kasi nakakatakot talaga," sabi ni Tiglao.

Unang beses daw na nangyari kay Tiglao ang ganoong nakakakilabot na karanasan. Pero ayon sa ilang residente sa lugar, matagal na nilang nadidinig ang kuwento tungkol sa matandang babae na umaangkas sa mga motorsiklo o tricycle.

Subalit kung mayroong naniniwala, mayroon ding nagdududa sa kuwento ni Tiglao dahil maaari naman daw magpalit-palit lang ng boses sa video.

Pero si Tiglao, nagpapasalamat na nakuhanan niya ng video ang insidente dahil batid niyang walang maniniwala sa kaniya kung basta ikukuwento lang niya.

Ngunit ano o sino kaya ang umano'y matandang babae na umangkas sa motorsiklo ni Tiglao, at ano ang kaniyang pakay?

Isang paranormal consultant ang nagsagawa ng pagsisiyasat sa lugar kung saan nangyari ang insidente. Dito, natuklasan niya ang umano'y "mabuting" pakay ng misteryosong matanda kaya nakikiangkas ito sa dis-oras ng gabi.

Tunghayan sa video ang buong detalye ng kuwento. --FRJ, GMA Integrated News