Kinagiliwan ng netizens ang isang batang kambing dahil sa pagiging “cool, calm and collected” nito nang sandaling iwan ng kaniyang fur parent sa Laurel, Batangas.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Martes, mapapanood ang Tiktok video ni Glydel Magpantay nang maging instant mother siya sa munting masunuring kambing na si "Sarah."

Kumasa sina Glydel at Sarah sa isang Tiktok challenge.

Sa isang timelapse video, mapapanood na iniwan saglit ni Glydel ang alaga sa harap ng camera upang kumuha ng panglinis.

Chill na chill naman ang one week old na si Sarah habang binabantayan ng netizens, at tila kalmado sa kaniyang “Meee time” hanggang sa bumalik ang kaniyang fur mom.

Gayunman, maagang pumanaw si Sarah, ngunit precious memories naman ang kaniyang iniwan.

Sinabi ng ilang netizens na “purrfect” ang hugis pusong pattern sa noo ni Sarah sa kaniyang well-behaved attitude.

Umabot na sa milyon-milyong views ang ilang videos niya sa Tiktok.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News