Mistulang nilamon ng sahig ang isang babaeng tumitingin ng mga damit sa loob ng isang shopping center sa China nang biglang bumigay ang bahagi ng ikalawang palapag ng gusali kung saan siya nakatayo.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang babae na payapang tumitingin ng mga damit sa loob ng mall sa Zhenjiang City, nang mapatigil siya na tila may naramdamang paggalaw sa gusali.

Hanggang sa maluhog na siya nang bumigay ang bahagi ng sahig at bumagsak mula sa ikalawang palapag kasama ang mga damit na paninda.

Mapalad namang nakaligtas ang isa pang babaeng kostumer na ilang hakbang lang ang layo mula sa bumagsak na sahig.

Na-trap sa ilalim ang babaeng nahulog, pati na ang isang construction workers na nagtatrabaho sa unang palapag.

Kaagad namang dumating ang emergency rescue unit, na kinabibilangan ng mga bumbero para iligtas ang dalawa.

Sa kabutihang-palad, hindi sila nagkaroon ng malubhang pinsala sa katawan at kaagad na dinala sa ospital.

Naglabas naman ng pahayag ang pamunuan ng gusali at tiniyak na tutulungan ang mga biktima.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad kung bakit bumigay ang naturang bahagi ng sahig sa ikalawang palapag ng gusali.--FRJ, GMA Integrated News