Arestado ang isang lalaki dahil sa panununtok umano sa tatlong babae na kaniyang nakasalubong sa magkakahiwalay na lugar sa Cebu City. Ang lalaki, galit daw sa mga magaganda.

Sa ulat ni Decemay Padilla ng Super Radyo Cebu sa dzBB Radio nitong Martes, sinabing desidido ang mga biktima na sampahan ng reklamo ang nadakip na suspek.

Unang nabiktima umano ng suspek ang isang 33-anyos na babae na naglalakad sa Barangay Cogon Ramos dakong 6:30 pm noong Linggo.

Walang sabi-sabi, bigla na lang siniko ng suspek sa kaliwang mata ang biktima.

Sumunod naman na nabiktima ang isang 20-anyos na babae sa Osmena Blvd na sinuntok ng suspek sa ilong.

 

 

Ang ikatlong biktima, isang babae na 22-anyos na sinuntok naman sa kaliwang mata.

Sa impormasyon mula sa pulisya, tanging idinahilan umano ng suspek na ayaw nito sa mga magagandang babae dahil umano sa pagiging "fake."

Bukod sa mga pasa at sugat. nagkaroon ng trauma ang mga biktima dahil sa ginawa sa kanila ng lalaki.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kasabay ng isasampang reklamo laban sa suspek na multiple serious physical injuries.--FRJ, GMA Integrated News