Humingi ng paumahin si Yeng Constantino nang makitang umiyak si Ryan Bang sa isang episode ng “It’s Showtime” nang mapag-usapan ng mga host, kasama si Vice Ganda, ang ginawa nilang panonood ng concert ng mang-aawit.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ipinakita ang pagiging emosyonal ni Ryan nang magbalik-tanaw siya sa ginawang pagpapahalaga sa kaniya ni Yeng noong panahon na hindi pa siya sikat.
Naitanong ni Ryan kung makakatagpo pa kaya siya ng katulad ni Yeng.
Ayon kay Yeng, naiyak din siya nang makita ang pagluha ni Ryan. Kasama umano ni Yeng noon ang kaniyang mister.
“Ako po’y naiyak din nang makita kong umiyak si Ryan. Kasama ko po yung asawa ko. Sabi ko, ‘love, umiyak si Ryan kanina, nalulungkot ako. I’m sad,’” saad ni Yeng.
Humingi ng paumanhin si Yeng kay Ryan sa nangyari dahil sa kaniyang pagiging “reckless.”
“Ryan, sorry talaga. Pasensiya na kung nagawa ko ‘yon. Salamat sa reply mo sa akin for being vulnerable, and being so gracious sa pagiging reckless ko,” anang mang-aawit.
Sinabi rin ni Yeng na umawit ng “Hawak Kamay,” na masaya siya na naayos na nila ni Ryan ang kanilang pagkakaibigan at umaasa siyang mas gaganda pa ang kanilang samahan sa hinaharap.
“I know na na-mend naman yung… kung ano mang friendship tayo ngayon sana mas maging ok pa tayo in the future. [You] know that I didn’t mean to hurt you,” dagdag niya.
Nauna nang naging emosyonal si Ryan sa “It’s Showtime” matapos balikan ang kanilang nakaraan ni Yeng, na dati niyang niligawan. Pero tumigil siya sa pagsuyo dahil sa nakitang alangan siya sa dalaga na sikat na noon, habang nagsisimula pa lang siya sa showbiz.
Sa isang bahagi ng concert, ibinahagi ni Yeng na dati siyang sineen-zone ni Ryan. Aminado ang mang-aawit na malaki ang crush niya sa komedyante noon.
Sa “It’s Showtime,” ibinahagi ni Ryan na si Yeng ang gumagastos kapag kumakain sila sa labas dahil maliit pa lang kita niya, wala siyang sasakyan, at nag-uulit ng isinusuot na damit.
Pinayuhan naman ni Vice ang kaniyang anak-anakan na makatatagpo ito ng para sa kaniya.
Kasal na ngayon si Yeng kay Victor Asuncion.
Samantala, dating na-engaged si Ryan kay Paola Huyong, subalit naghiwalay din sila noong June.
Isa si Yeng sa mga magiging coach sa “The Voice Kids,” kasama sina Julie Anne San Jose at Gloc-9.— FRJ GMA News
