Inihayag ng dating aktres na si Nanette Medved-Po ang labis na paghanga sa namayapang aktor na si Fernando Poe Jr., na ilang beses niyang nakatambal sa mga pelikula.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, binalikan ni Nanette ang mga panahon niya sa showbiz at nakatrabaho ang tinaguriang King of Philippine Movies na si FPJ.

Isa umano sa mga pelikulang hindi malilimutan ni Nanette ang "Dito sa Pitong Gatang," na siya ang leading lady ni FPJ.

“I subsequently did two more movies with him, but I loved my time, any time I’m spending with FPJ is just golden. I love the man,” anang aktres.

“He was a complete gentleman, larger than life personality, just really amazing,” paglalarawan pa niya sa namayapang aktor.

Ikinuwento rin ni Nanette na bumalik siya sa Pilipinas mula sa Hong Kong para gumawa lang ng pelikula kasama muli si FPJ.

“I came back and said, ‘Ronnie, I’ll only come back for you,’ and I did because he is just such an amazing man,” ayon kay Nanette.

“I feel really bad that we’ve lost him, but he is incredible,” dagdag niya.

Pumanaw si FPJ noong 2004 matapos ma-stroke.

Isa naman si Nanette sa mga aktres na nagkaroon ng pagkakataon na gumanap na "Darna" sa pelikula noong 1991.

Makaraang hindi na maging aktibo sa showbiz, naging negosyante si Nanette. Noong 2011, itinatag niya Friends of HOPE, Inc., isang non-profit organization para sa education, agricultural initiatives, at carbon sequestration sa Pilipinas.

Ang proceeds mula sa Generation HOPE ay ginagamit sa pagpapatayo ng mga public school classrooms sa Pilipinas.—FRJ, GMA Integrated News