Nagsampa na ng reklamong cyberlibel at child abuse ang pamilya ng 17-anyos na si Eleila Santos laban sa aktres na si Ellen Adarna. Kaugnay ito ng pag-akusa umano ng aktres na "paparazzi" ang dalagita na kinuhanan siya ng video habang kumakain sa isang restaurant.
Sinabi sa GMA News ni Myra Abo Santos, ina ni Eleila, na isinampa nila nitong Martes sa Pasig City prosecutor's office ang reklamo laban kay Ellen.
Itinuloy ng pamilya Santos ang pagsasampa ng reklamo matapos na hindi tumugon si Ellen sa hinihinging public apology ni Ginang Myra dahil sa maling paratang sa kaniyang menor de edad na anak.
READ: Mom of girl tagged by Ellen Adarna demands public apology
Una rito, inakusahan ni Ellen si Eleila na kinuhanan siya ng video habang kumakain sa isang restaurant sa Makati City. Kinunan niya ng larawan ang dalagita at ipinost sa social media.
Pero nilinaw ni Eleila na ang inorder niyang pagkain at hindi si Ellen ang kinuhanan niya ng video.
Hindi rin umano niya alam na nasa naturang restaurant din ang aktres.
READ: The video the girl, whom Ellen thought was pulling a paparazzi on her, took
Ipinost pa ni Eleila ang video na kuha niya sa loob ng restaurant.— FRJ, GMA News
