Nakainom ng alak at nakagamit umano ng droga ang dalawang suspek nang gawin nila ang karumal-dumal na pagpatay sa isang ina at dalawa nitong batang anak sa bahay ng mga biktima sa Barangay Kaypian sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Sa panayam ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ni Police Colonel Orlando Castil Jr., hepe ng San Jose del Monte Police, umamin ang mga suspek na sina Wilson Cortez at Joselito Cortez, sa ginawa nilang krimen.

Nadakip ang dalawa sa follow-up operation ilang oras matapos madiskubre nitong Miyerkules ng gabi ang duguang mga bangkay nina Jaymee Casabuena, 28-anyos, at mga anak niyang sina Anton Gabriel, 8-anyos at Joaquin Mateo, 5.

Sa North Caloocan nadakip si Wilson, habang sa San Jose del Monte naman si Joselito.

Napag-alaman na asawa ng pinsan ni Jaymee si Wilson kaya kilala siya at malayang nakapasok sa bahay ng mga biktima.

Ayon kay Castil, ikinumpisal umano ng dalawa na pagnanakaw ang motibo nila sa mga biktima pero nanlaban daw kaya nila napatay  ang mga ito.

Maging aso ng mga biktima, pinatay ng mga suspek dahil maingay umano.

"Nabanggit nila na bago po sila pumunta dun sa bahay ng mga biktima ay gumamit muna sila ng iligal na droga at sila ay nag-inuman, lango rin sa alak kaya ganun na lang po ang lakas ng loob nila," sabi ni Castil.

Natunton na rin umano ng pulisya kung saan ibinenta ng mga suspek ang ninakaw na cellphone ng biktima.

Napag-alaman na single mother si Jaymee, at susunduin sana sila ng kapatid nito nang gabing madiskubre ang kanilang duguang bangkay para pumunta sa airport dahil darating ang kanilang ina.

Hinihinala na ilang oras nang patay ang mga biktima nang madiskubre dahil "lumulobo" na ang kanilang bangkay.

Sinabi ni Castil na nakikipag-ugnayan naman sa kanila ang dating mister ni Jaymee.

Patuloy naman daw na kumakalat ng ebidensiya ang mga awtoridad para mapalakas pa ang kasong isasampa sa mga suspek. --FRJ, GMA News