Inaresto ang isang 24-anyos na lalaki matapos siyang mahulihan ng mahigit 100 vape na may halo umanong marijuana oil. Ang mga parokyano niya, mga kabataan sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ikinasa ang drug-bust operation nitong Huwebes at nadakip ang suspek, na nagbebenta umano ng mga vape na may lamang marijuana oil o “carts” kung tawagin.
Ayon sa pulisya, isang informant ang nagtimbre sa kanila kaugnay sa operasyon ng suspek.
“Pinag-aralan ng ating intelligence at nang ma-positive na nga, akala namin simpleng drugs lang, ‘di namin akalain na almost ‘pag sinumo mo, kulang-kulanag kalahating milyon ang halaga,” sabi ni Police Major Manuel Calleja, Chief Admin, Deputy OD ng Manila Police District.
Kasama sa mga nakumpiska mula sa suspek ang mahigit 100 piraso ng carts at 120 grams ng high-grade marijuana o kush.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, karaniwang parokyano ng suspek ang mga kabataan, na umu-order umano sa kaniya gamit ang mga social media platform.
Nasa P1,800 pataas ang presyo ng bawat piraso ng carts.
“Target nito, 16 years old to 20 years old. ‘Yun ang target, kaya puwede nating payuhan ‘yung mga magulang na pakibantayan ‘yung mga anak nila, baka akala nila ordinaryong vape lang, pero marijuana na pala ‘yung nakakarga,” sabi ni Calleja.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung may grupong sinasalihan ang suspek at kung sino ang kaniyang supplier ng kontrabando.
Nasa kustodiya na siya ng Jose Abad Santos Police Station at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings nitong araw.
Makaharap siya sa reklamong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. – Jamil Santos/FRJ GMA News
