Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na bigo ang pakikipag-usap sa mga opisyal ng Kingdom of Saudi Arabia tungkol sa pagbabayad ng hindi naibigay na sahod sa may 9,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nagkakahalaga ng P4.6 bilyon.

Dahil dito, inihayag ni Bello sa virtual press chat nitong Miyerkules na mananatiling suspendido ang pagpapadala ng OFWs sa Saudi Arabia.

Una umanong napag-usapan at napagkasunduan ang pagbabayad sa hindi naibigay na sahod sa mga pinauwing OFW nang magpunta ang mga opisyal ng DOLE sa Abu Dhabi Dialogue noong nakaraang Oktubre.

Ayon kay Bello, kasama sa napag-usapan na dapat na pupunta sa Pilipinas si Saudi Arabian Labor Minister Ahmed al-Rajhi noong December 2021 pero hindi ito nangyari.

Sa halip, ang technical working group lang umano ng Saudi Labor minister ang dumating sa bansa para talakayin ang “mega recruitment agencies.”

“Hindi naman siya (al-Rhaji) dumating. Ang dumating technical working group niya. Wala naman, gusto nila pag-usapan mega recruitment agencies nila. Walang nangyari,” ani Bello.

“Right now, we just stick to suspension para mabigyan sila ng all the reasons and motivation to settle the claims of our OFWs,” dagdag ng kalihim.

Sinabi ni Bello na iminungkahi ng technical working group ng KSA Labor minister na kausapin niya ang Justice minister para sa settlement ng unpaid salaries ng mga OFW.

Aniya, hihintayin niya na imbitahan siya ng Justice minister para talakayin ang naturang usapin.

Noong 2016, iniuwi ng Pilipinas ang libu-libong OFWs matapos bumagsak ang ekonomiya sa Middle East dahil sa pagbagsak ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Ilan sa mga umuwing OFWs ay hindi nakakuha ng kanilang sahod. Nagsampa sila ng kaso sa KSA at nanalo para makakuha ng back wages pero hindi pa rin naibibigay.

Dahil dito, nagpasya si Bello na irekomenda sa Overseas Workers Welfare Administration at Philippine Overseas Employment Authority na pag-aralan ang deployment ban sa Saudi Arabia.

“‘Pag hindi ma-settle ‘yan, I don’t think I will have any valid reason to resume the deployment,” ayon sa kalihim. --FRJ, GMA News