Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nasa 40,000 Filipino ang makikinabang sa pag-alis ng Taiwan sa kanilang temporary travel restrictions sa overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa pag-iingat sa COVID-19.

Ginawa ni Bello ang pahayag nitong Martes, isang araw matapos ianunsyo ng Central Epidemic Command Center ng Taiwan, na puwede na muling pumasok sa kanilang teritoryo ang mga OFW simula sa February 15, 2022.

"We thank Taiwan for welcoming once more our kababayan in their various employment industries starting February 15. This is a valuable post-Valentine gift to our OFWs and their families," anang kalihim.

"We also laud Taiwan's continuing review of its labor rules to protect migrant workers' rights, including the Filipinos," dagdag ni Bello.

Sinabi naman ni Philippine Overseas Labor Office (POLO) -Taipei Labor Attaché Cesar Chavez, kay Bello na ang hakbang ay ikawalang bahagi ng Migration Project na pinapayagan na ang migrant workers, kabilang ang mga Pinoy,  na pumasok sa Taiwan.

Ipinaalala ni Chavez na dapat sundin ng mga migranteng manggagawa ang Central Epidemic Center guidelines ng Taiwan.

"Filipino workers should be fully vaccinated against COVID-19 before they enter Taiwan," ani Chavez.

Dapat din na ihanda ng mga employer ang hotel na magiging quarantine facility ng mga darating na migrant worker.

Matapos na makompleto ang 14-day quarantine, mananatili pa rin sila sa hotel ng pitong araw para sa self-health management bago magtungo sa kanilang pagtatrabahuhan.

"Both workers and employers must strictly follow and abide with the Central Epidemic Command Center epidemic prevention measures, rules, and guidelines," sabi ni Chavez.

Ang iba pang rekisito ng Taiwan health authorities ay ang pagkakaroon ng RT-PCR test, at one-person one-room isolation bago pumasok sa kanilang teritoryo, ayon sa Taipei labor attaché.

Kailangan din ang medical insurance para sa confirm cases, at kailangan ang RT-PCR test pagkapasok sa Taiwan.

Inaatasan ang mga employer na dapat sundin ang Ministry of Labor's Guidelines for Employers Hiring Migrant Workers.

Babala ng Taiwanese epidemic center, kung mabibigo ang mga employer na sundin ang mga patakaran, ituturing itong paglabag sa Employment Service Law at aalisan sila ng kanilang employment permit.  — FRJ, GMA News