Makaraang alisin ang mandatory quarantine sa mga umuuwing Pinoy na bakunado mula sa ibang bansa, balik na ang mga madamdaming tagpo sa mga paliparan sa muling pagkikita ng mga balikbayan at kanilang mga kaanak matapos ang mahabang panahon.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang mahigpit na pagyakap ng mga umuuwing OFW sa kani-kanilang kaanak sa Ninoy Aquino International Airport.

Bago kasi alisin ang patakaran sa mandatory quarantine sa lahat ng balikbayan, bawal yakapin o lapitan ng kaanak ang umuwi nilang mahal sa buhay na galing sa abroad.

Sa halip, kailangan dumiretso ang balikbayan o OFW sa itinakdang quarantine facility na magiging pansamantalang tirahan nila ng ilang araw bilang pag-iingat sa COVID-19.

Pero simula ngayon, diretso uwi na sa bahay at doon na sasailalim sa quarantine ang uuwing Pinoy. Pero kailangang fully vaccinated siya, at mayroong negative result ng RT-PCR test na kinuha sa nakalipas na dalawang araw sa bansa na kaniyang pinanggalingan.

At habang nasa bahay, kailangan imonitor ng balikbayan ang kaniyang sarili sa loob ng pitong araw mula nang siya ay umuwi.

"Excited talaga noong na-lift 'yong quarantine, eksakto na na-rebook ako ng ganoong date so blessing talaga," ayon sa umuwing OFW na si Janice Cruz, na sinundo ng kaniyang mister at ina.

Ilang balikbayan pa ang makikitang masayang sinundo ng mga mahal sa buhay. Ang isang batang anak, napapatalon pa nang hagkan ang kaniyang amang OFW.

Nagsimula ang bagong patakaran sa mga balikbayan at maging sa mga awtorisadong dayuhan ngayong February 1, 2022 — FRJ, GMA News