Magsama-sama ang malalaking religious groups para sa isang rally kontra-korapsyon sa June 28 na tinawag nilang "White Ribbon Movement March."

Inaasahan daw na nasa 10,000 katao ang dadalo sa pagtitipon na gaganapin sa EDSA People Power Monument sa Quezon City upang magdasal at ipahayag ang mga saloobin sa nagaganap na korapsyon sa bansa.

White Ribbon ang pangalan ng kilusan dahil wala raw silang pinapanigan na grupo o kulay ng pulitika.

Ang nagkakaisa nilang sigaw: "Lahat ng sangkot, dapat managot!"

Ayon kay Bishop Efraim Tendero, global ambassador ng World Evangelical Churches, pagpapatuloy ng Trillion Peso March ang pagkilos nila sa People Power Monument.

Apat na malalaking religious group ang nagsama-sama para sa panawagang pag-isipan ang kinabukasan ng bansa, kaya binuo ang White Ribbon Movement kontra-korapsyon.

Bukod sa mga grupong Katoliko, Kristiyano, at Muslim, kasama rin nila sa kilusan ang ilang civil society groups.

"Nagkasama-sama (kami) para ating pag-isip-isipan: Ano ba ang kinabukasan ng ating bansa? While ang ating Constitution ay nagsasabing, there's a separation of Church and the State, we cannot separate the State from God. At nais nating maipakita bilang religious leaders, nandoon po ang ating pagnanasa para po sa kaayusan at kagandahan ng ating bayan," ani Tendero sa Agenda Forum sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan.

Ilan sa mga pangunahing panawagan nila, wakasan ang korapsyon, litisin nang makatotohanan ang mga sangkot sa katiwalian, suportahan ang tunay na anti-political dynasty bill, at ipatupad ang reporma sa eleksyon.

Walang pulitiko na maaaring magsalita sa programa sa June 28, pero ayon kay Kidapawan Bishop Colin Bagaforo ng CBCP Episcopal Commmission on Interreligious Dialogue, malaya ang anumang kulay ng mga pulitiko na magpunta sa mapayapang pagtitipon.

"On the point whether or not political leaders will be on the stage or will be given a chance to speak, the answer is negative. But all are invited to be there to join us. Lahat ng mayroong sama ng loob sa korapsyon," sabi ni Bishop Bagaforo.

Sabi ni Bishop Tendero, kung pupunta sa pagtitipon ang mga politiko, pagkakataon na raw nilang magsisi kung sangkot sa korapsyon, isauli ang nanakaw, o maging state witness.

Marami raw sa mga Pinoy ang "tulog" kaya napaglalaruan ng mga politiko. Kaya panahon na para magsama-samang kumilos para may mapanagot sa pagnanakaw sa kabang-bayan.

"Para bagang wala tayong pakialam kung ano ang ginagawa sa atin. Niyurakan ang ating pagkatao, niyurakan ang ating karapatan, ang ating demokrasya, halos wala na, ito ay pinaglaruan lamang ng mga taong may tinatawag na self-interest," giit ni Aleem Naguib Taher ng Grand Mufti-NCR.

Inihayag naman ni Professor David San Juan ng grupong TAMA NA, kailangan daw palakasin ang pagbabantay sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Kasabay nito, hindi rin daw dapat kalimutan ang korapsyon sa mga flood control project sa administrasyong Marcos.

"Ang sigaw natin mula noon hanggang ngayon, lahat ng sangkot, dapat managot, idagdag na rin natin, mula dapat sa pinakatuktok, hindi 'yung mga miron lang mananagot," diin ni San Juan.

Sa pagkakapit-bisig ng mga obispo ng religious groups at mga abugado sa civil society groups, dapat daw manginig na ang mga kurakot dahil batas ng Panginoon at batas ng tao raw ang maghahabol sa kanila, sabi ni Atty. Luke Espiritu ng Artikulo Onse.

Para kay Espiritu ang paghahanap ng pananagutan, walang pinipiling kulay, dahil kailangan lahat ng singilin at walang pinagtatakpan.

"This type of a civil society formation, ang White Ribbon Movement, na hindi nahuhulog sa mga factional division ng mga korap kundi naglalayon na singilin lahat, singilin hindi 'yung mismo sa paniningil natin sa mga korap, at sa mismong proseso gusto nating gawing accountable sa mga magnanakaw sa gobyerno eh mayroong kang itatangi na mga magnanakaw din para magkaroonn ng totoong transpormasyon ang ating bansa dapat tayo ay lumagpas sa laro ng mga trapo at mga dinastinastiya," diin ni Espiritu.

Ang mga religious at civil society groups naman sa iba't ibang lugar sa bansa, maari rin daw sabayan ang kilos protesta nila sa EDSA. — VDV GMA News