Natagpuang patay at nakasilid sa sako na iniwan sa gilid ng kalsada ang isang 20-anyos na magsasaka sa Tungawan, Zamboanga Sibugay.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nakita ng mga residente ang naaagnas na katawan ng biktima sa gilid ng kalsada sa Barangay Langon, dakong 4:00 pm noong Linggo, Agosto 9, 2026.
Kinalaunan, natukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na residente ng San Jose, R.T. Lim. Ayon sa ulat, nakatali ang mga kamay ng biktima, at may ilang sugat na dulot ng taga.
Batay sa imbestigasyon, sinabi ng pamilya ng biktima na hinahanap na nila ito mula pa noong Biyernes matapos na umalis sa kanilang bahay at hindi na nakabalik.
Patuloy na iniimbestigahan ng Zamboanga Sibugay Police Provincial Office ang insidente upang matukoy kung sino ang suspek at ano ang motibo sa likod ng pagpatay.
Samantala, isang lalaki rin ang natagpuang patay na may mga saksak sa katawan sa isang property sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Natagpuan ng mga pulis ang bangkay ng biktima sa Barangay Sta. Cruz noong umaga ng Lunes, Agosto 10.
Ayon sa pulisya, residente ng bayan ng Jasaan ang biktima at ilang buwan na umanong gumagala sa Tagoloan.
Hindi pa natutukoy ng mga awtoridad kung sino ang mga suspek, ngunit patuloy na nilang inaalam ang posibleng motibo sa pagpatay.
Nakuha na ng pamilya ang bangkay ng biktima, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. – FRJ GMA News
