Nagkainitan sina Senador Raffy Tulfo at Pia Cayetano nitong Martes sa plenaryo ng Senado dahil sa hindi pa nakokompletong pagtatalaga ng mga senador na mula sa minorya upang maging miyembro ng mga komite. Giit ni Tulfo, nakahahadlang ito sa proseso ng paggawa ng mga bagong batas, bagay na inalmahan ni Cayetano.
Sa dulong bahagi ng sesyon, tumayo si Tulfo para maghain ng point of order at binigyang-pansin ang “inaction” umano o kawalan ng aksyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, upang makompleto ang mga miyembro ng komite.
Hindi umano ito magawa, dahil sa kawalan ng itinatalagang mga senador na mula sa minorya at tila ginagawang “hostage” ang mga nakabinbing panukalang batas na hindi maaksyunan.
Sinabi ni Tulfo na nitong mga nakaraang linggo, nakikipag-ugnayan siya kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri tungkol sa pagpili ng mga senador na magiging miyembro ng Committee on Public Services at Committee on Migrant Workers.
Ayon sa mga alituntunin ng Senado, kailangang makumpleto muna ang mga miyembro ng isang komite na mula sa grupo ng mayorya at minorya bago ito magkapatrabaho o magsagawa ng pagdinig.
Dagdag pa ni Tulfo, ang kakulangan ng mga miyembro sa Public Services at Migrant Workers committees ay nagdudulot ng pagkaantala sa mga panukalang batas na dapat talakayin ng komite. Kabilang ditto ang panukalang Department of Water at mga hakbang para sa reintegration ng mga OFW.
“To my colleagues in the minority, maraming maraming salamat po for your confirming your intent to join my committee. But to the minority leader, my good friend, Sen. Alan Peter Cayetano, it is time that we cooperate so that we may get back to legislating,” ani Tulfo.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, hindi pa lubos na nabubuo ang 32 Senate committees. Tatalakayin daw niya ito kina Zubiri at Alan Peter.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang panig ni Alan Peter tungkol sa naturang usapin.
Samantala, tumayo naman ang kapatid ni Alan Peter na si Pia Cayetano sa plenaryo upang sagutin ang mga pahayag ni Tulfo.
“Actually, I don’t really have to stand anymore because the Senate President already responded in the manner that I believe is becoming of the Senate,” ani Pia.
“Senator Tulfo, madali n’yo naman akong tanungin. Alam n’yo namang kapatid ko si Alan, kung may gusto kayong iparating. ‘Wag na ho kayong mag-drama nang may pa-hostage-hostage. ‘Di ho tayo ganito dito,” saad ng senadora.
Patuloy niya, “And I certainly hope that you don’t set a precedent kasi I don’t know the Senate President to be that way, I don’t know the majority leader to be that way.”
“The minority leader doesn’t happen to be here. I can talk to him. ‘Pag in-ignore niya kayo and the next day, wala pa rin, then sige, sabihin n’yo kung gusto n’yo,” dagdag pa ni Pia.
Tumugon naman dito si Tulfo at idinepensa ang sarili na, “Never po ako nag-drama dito.”
“Halughugin n’yo po ‘yung mga post sa social media. Never n’yo akong nakitang nagdrama o ginamit ’to para mag-grandstanding. Sino ang nagda-drama? Tumingin muna kayo sa salamin bago kayo magsalita,” giit niya Tulfo.
Pumagitna naman si Zubiri na nagsabing tatalakayin niya kay Alan Peter ang usapin sa committee memberships.
Idinagdag niya na hindi mabuti ang pakiramdam ng minority leader.
Sisimulan umano nilang magbotohan ng mga senador na kasapi ng mga komite sa Miyerkoles. – FRJ GMA News
