Inaresto ng Royal Canadian Mounted Police (RCMP) ang Pinay na umano’y lider ng isang kulto at nagpapakilalang “Queen of the Kingdom of Canada,” sa pagsalakay na ginawa sa isang compound na ilegal umano nitong inookupa, at ng kaniyang mga tagasunod sa Saskatchewan, Canada.
Nagla-livestream noon ang inarestong si Romana Didulo nang sapilitang pasukin ng mga pulis ang kuwarto na kaniyang tinutuluyan.
Sa video, makikita ang dalawang pulis na nakasuot ng tactical gear na inuutusan si Didulo na sumuko, na kaniyang namang ginawa nang mapayapa.
Bukod kay Didulo, l6 pa na mga tagasunod niya ang inaresto.
Ayon kay RCMP Inspector Ashley St. Germaine, isinagawa ang pagsalakay matapos matanggap ng mga awtoridad ang ulat na may mga armas umano sa compound.
“Saskatchewan RCMP executed a search warrant in Richmound, Saskatchewan. It was a privately owned decommissioned school inhabited by a group of individuals. The search warrant was obtained after we received a report that one of the occupants was in possession of a firearm. At this time, no charges have been laid. We have located and seized four replica handguns — one inside the building and three inside vehicles,” pahayag ni RCMP Inspector St. Germaine sa mga mamamahayag sa isang press conference.
“I can’t speak to who all of the individuals are, or if they are all associated with the ‘Kingdom of Canada,’ but Romana Didulo has identified herself as the leader of that group. I can confirm that she is in custody,” dagdag nito.
Nagkaroon din ng kaguluhan sa himpilan ng pulisya kung saan dinala si Didulo, matapos tangkain ng ilang tagasunod niya na lusubin ang istasyon. Ilan sa kanila ang inaresto.
Ipinanganak si Didulo sa Pilipinas, at nanirahan kasama ang kaniyang mga tagasunod sa Richmound, na isang maliit na komunidad sa Saskatchewan.
Sa nakalipas na dalawang taon, namuhay ang kaniyang grupo batay sa kaniyang mga pahayag tungkol sa sovereignty at pagtanggi na kilalanin ang mga batas ng Canada.
Bumibiyahe rin umano ang nagpakilalang “Reyna ng Kaharian ng Canada” sa iba’t ibang lugar kasama ang kaniyang mga tagasunod. Hinihimok nila ang mga tao na huwag sundin ang mga batas ng Canada at sa halip ay manumpa ng katapatan sa kaniyang tinatawag na kaharian.
Sa isang video message, tinawag ni Didulo ang sarili bilang Commander-in-Chief of Canada at inutusan ang Canadian Armed Forces na buksan ang hangganan ng Canada at Amerika para sa umano’y operasyon ng “Ikatlong Digmaang Pandaigdig.”
“This is to ensure that our militaries between the two countries can enter freely and safely at a moment’s notice to defend both nations when necessary. I encourage all Canadian citizens, and we the people of the Kingdom of Canada, to cooperate in all circumstances and ensure that our military and special forces are able to execute their orders under World War III operations,” saad niya.
Nagsimula ang kaniyang organisasyon sa loob ng QAnon conspiracy movement at kinalaunan ay yumakap sa ideolohiyang Sovereign Citizen, na tinalikuran ang awtoridad ng pamahalaan.
Hindi pa inilalabas ng RCMP ang buong listahan ng mga naaresto, pati na ang kasong isasampa laban kay Didulo habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon. — mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ GMA Integrated News

