[Trigger warning: May nabanggit na pisikal at seksuwal na pang-aabuso, at pananakit sa saril]
Emosyonal si Chariz Solomon nang balikan ang malungkot na yugto ng kaniyang kabataan, lalo na nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang kaya nagtrabaho sa ibang bansa ang kaniyang ina.
Sa panayam sa “I-Listen with Kara David,” ikinuwento ni Chariz na apat na taong gulang siya noon nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang.
“Ang daddy ko mayaman. Ang nanay ko hindi well-off. Sakto lang. Nakatira ang pamilya ng nanay ko sa Pasay. As in compound, doon kami nakatira,” pag-alala niya.
May kasunduan umano na tutustusan ng kanilang ama ang kanilang edukasyon at magbibigay ito ng buwanang allowance.
“'Yung nanay ko ay third partner. I'm the third panganay, as far as I'm concerned,” sabi ni Chariz.
Dahil dito, nagdesisyon kalaunan ang kanilang ina na magtrabaho sa Japan, noong anim na taong gulang si Chariz, na hindi niya alam na iiwan pala silang magkakapatid sa kanilang mga kamag-anak.
“Actually noong inisip ko, kailan ba ako huling nagkaroon ng passionate hug with my mother? ‘Yun ‘yon. Aalis na siya, hindi ko alam na pupunta na pala ng Japan? Magtatrabaho siya,” patuloy niya.
“Nakita ko lang, nag-aaral siya mag-Nihongo, sa yellow pad, 'yung mga words, na hindi ko naiintindihan bakit siya aalis. So, alam ko lang, naka-denim siya, tapos maong jacket. May dala na siyang maleta,” ayon kay Chariz.
Inilarawan ni Chariz na maganda, sexy, at magaling sumayaw ang kaniyang ina.
“Pupunta na pala siya ng Japan. Tapos, nakayakap lang ako sa leg niya. [Siya], 'yung hindi tumitingin. Very pampelikula, 'yung mga lumang magulang. Hindi tumitingin [sa akin]. Tapos, gina-gano’n (tinataboy) ka lang,” pag-alaala pa niya.
Matapos mag-abroad ang kanilang ina, naiwan silang magkakapatid sa pangangalaga ng isang helper, ngunit nawala rin ito kalaunan.
“So, can you imagine 'yung feeling pa ng mas bata pa sa akin na mga kapatid ko? So, paano pa? So, naiwan kami sa kaniya, tapos parang, hindi ko alam kung ano nangyari, bigla na namang nawala si Yaya Gingging,” patuloy niya.
Dahil dito, nagdesisyon ang kanilang mga kaanak na paghati-hatian silang silang magkakapatid sa pagkupkop kaya sila nagkahiwa-hiwalay. Ang kaniyang tiyuhin, na kapatid ng kaniyang ina, ang nag-alaga kay Chariz.
“Isa pa ‘yan, trauma number three,” ani Chariz. “So, ako nasa kabilang street, 'yung isa, pinakamalayo na babae pa, sa Novaliches, kasama ng tita namin. 'Yung sa kabilang street, tito ko. Tapos 'yung kambal, nandu’n sa same compound, pero different house,” sabi pa niya.
Napagtanto ni Chariz noong tumanda na siya ang posibleng rason kung bakit sila pinaghiwa-hiwalay ng kanilang mga kaanak.
“Noong naging magulang na ako na-realize ko, ah, kaya pinaghiwa-hiwalay kasi mahirap mag-alaga ng apat.”
Sa kabila nito, sinabi ni Chariz na masuwerte pa rin siyang nakapag-aral sa private school, habang sa semi-private ang mga kapatid niya, na bilin daw ng kanilang ama.
Ngunit hindi natiis ni Chariz na mawalay sa mga kapatid, kaya lumipat siya sa paaralan ng kaniyang mga kapatid para magkasama-sama pa rin sila.
“Na-bully-bully ako roon sa mga school hanggang sa pinilit ko talaga na mapunta ako roon sa school na ‘yun. Wala pa naman kayong masyadong memories kasi bata pa kayo. Pero, 'yung inclination ng heart ko, gusto ko silang kasama. Kasi hindi ko maintindihan bakit nandu’n kami magkabilang street. Kasi wala rin nagsasabi sakin, walang nag-e-explain,” kuwento niya.
Nang magkasama na silang magkakapatid, tila tumayo na rin si Chariz bilang kanilang ina, at natutong magluto at mamalengke.
Ayon kay Chariz, umuuwi naman ang kanilang ina tuwing kanilang mga kaarawan at kanilang graduation, o isang beses kada taon. Ngunit hindi nila nakakausap ang kanilang ama.
Kalungkutan pang-aabuso
Dahil malayo sa mga magulang, hindi itinanggi ni Chariz na nakararamdam siya ng kalungkutan.
“Ang natatandaan ko lang is malungkot ako. Tapos sa school, lagi kong sini-share na wala akong parents. Tapos parang napatawag pa 'yung guardians ko, bakit daw ganu’n ako? 'Yung mga sinasabi ko daw, medyo darkness.”
Tinanong ni Kara si Chariz kung may galit siya noon sa kaniyang puso.
“Malungkot lang ako, alam ko. Tapos, alam ko sa bahay hindi ako masaya. So, aral lang ako nang aral ‘pag nasa bahay para hindi ako masyadong utusan,” sabi niya.
“Tapos, hindi kasi ako lumaki sa masayang environment. Meron kasing verbal abuse. Merong physical abuse. Tapos hindi nila alam na naiintindihan ko 'yung ginagawa nila sa akin,” dagdag pa niya.
Matapang din niyang inihayag na nakaranas siya ng seksuwal na pang-aabuso.
“Tapos, meron ding time na actually, masaya ako na puwede ko na itong ikuwento. Kasi, for awareness and to give inspiration to other girls, women like me, na naranasan ko din 'yung sexual abuse,” sabi niya.
“Hindi ko alam kung alam ng iba kong relatives. Hindi ko na sasabihin kung sino. Pero, nag-sorry naman sa akin nu’ng malaki na ako. Alam mo 'yung parang feeling ko, ‘Totoo ba 'yung nangyari?’ May ganu’ng coping mechanism 'yung tao pala. Hindi mo alam kung nangyari ‘yun. Kung totoo ‘yun,” sabi ni Chariz.
Bagaman marami naman daw silang kamag-anak na mababait, pero mayroon din mga abusive.
“Feeling ko may pinagdadaanan din sila sa sarili nila, na hindi mo maintindihan, ‘Bakit kayo ganiyan sa amin?’ Especially sa akin,” sabi pa niya.
Para harapin ang mga trauma sa buhay, idinaan ito ni Chariz sa pag-aaral at mga gawain sa bahay.
Tinanong ni Kara si Chariz kung nagkaroon din siya ng galit sa mundo.
“Na-explore ko 'yung ano, ‘yung, ‘di talaga ako proud, pero, nag-self-harm ako nu’ng bata ako,” pag-amin niya. “Parang, eleven siguro.”
“Hindi ko naman gusto mamatay, hindi talaga, kasi nga parang feeling mo, alam mo 'yung hindi ako puwedeng may mangyari sa akin. Pero kasi kailangan ako ng mga mahal ko. Hindi muna,” pagpapatuloy ni Chariz.
Sa kaniyang paglaki, napaisip daw si Chariz kung bakit niya ginawa na saktan ang sarili.
“Naisip ko, ah, kasi gusto ko 'yung lumabas siya as physical pain. 'Yung nararamdaman ko inside na hindi ko siya maisigaw. Hindi ka naman puwedeng manakit. Naging violent ako, may phase akong gano'n. Naging angry ako, naging bully ako, hindi ako proud do'n. Naging ano ka, 'yung defensive,” patuloy niya.
Pagpapatawad
Sinusulatan ni Chariz ang kaniyang ina tungkol sa kaniyang mga nararanasan. Ngunit noong tila hindi nito nagustuhan ang kaniyang mga hinaing, sinasala na ng kanilang mga kaanak ang kaniyang mga isinusulat.
“So, minsan 'yung mga feelings mo, sinusulat mo, ipadala ko sa mama ko. Tapos, nu’ng nag-react 'yung nanay ko, 'yung parang naririnig mo lang, na gano'n 'yung nangyari. Or, na-realize mo din, kasi nagalit sa'yo 'yung receiver ng galit. Ngayon, pini-filter na nila 'yung mga sulat. Babasahin nila 'yung sulat ko bago ipadala sa nanay ko,” aniya.
Kalaunan, natuto si Chariz na patawarin ang sarili sa kaniyang mga pinagdadaanan.
“Tapos nu’ng nagkaroon ako ng forgiveness sa sarili ko, sabi ko, kasi siguro, bata pa ako. Sabi ko, siguro, bata pa kasi ako, siguro, kasi hindi ako nagkaroon ng maayos na environment sa bahay,” sabi niya.
Ang mga naging karanasan niya noong kaniyang kabataan ang naging gabay ni Chariz upang maging isang mabuting ina.
Sa tulong din ng pagpasok ni Chariz sa showbiz sa pamamagitan ng pagsali sa "Starstruck", nabuo rin at muli niyang nakasama ang kaniyang mga kapatid. – FRJ GMA Integrated News
