Pinawalang-sala ng isang korte sa Maynila ang dating kongresista ng Negros Oriental na si Arnolfo “Arnie” Teves Jr., kasama ang dalawang iba pa, kaugnay ng kaso ng pagpatay noong 2019.
Sa 35-pahinang desisyon na may petsang Enero 5, 2026, inabsuwelto ni Manila Regional Trial Court Branch 15 Presiding Judge Eduardo Ramon Reyes, sina Teves, Richard Cuadra, at Rolando Pinili, sa kaso dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayan ang “prima facie” sa kaso.
Pinagbigyan ng korte ang mga demurrer to evidence na inihain ng kampo ng tatlong akusado.
Nag-ugat ang kaso sa tatlong kasong pagpatay na inihain ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay ng pagpaslang sa tatlong tao noong 2019, batay sa ulat ni Luisito Santo ng Super Radyo dzBB.
Inatasan noon ang jail warden ng Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa na palayain si Teves mula sa kustodiya, maliban na lamang kung may iba pa siyang kaso na kinakaharap.
Ganoon din ang utos ng korte sa jail warden ng Manila City Jail–Male Dormitory para kina Cuadra at Pinili.
Bukod sa kasong ito, nahaharap din si Teves sa mga kasong murder, attempted murder, at frustrated murder kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pa noong Marso 4, 2023, sa tahanan ng mga Degamo sa Pamplona, Negros Oriental.
Noong Setyembre 2025, inirekomenda ng Manila Regional Trial Court Branch 12 ang piyansang P120,000 para sa pansamantalang kalayaan ni Teves sa isa pang kasong murder na kanyang kinakaharap. Kaugnay ito ng pagkamatay ni Lester Bato, bodyguard ng kandidato sa pagka-alkalde ng Basay na si Cliff Cordova, noong Mayo 2019.
Noong Hunyo 2025, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na nahaharap din si Teves sa mga sumusunod na kaso:
- Murder case sa Bayawan RTC Branch 63
- Illegal possession of firearms at illegal possession of explosives sa Manila RTC Branch 12
- Terrorist Financing, prevention, and suppression act sa Quezon City RTC Branch 77
Kasalukuyang nakakulong si Teves sa pasilidad ng NBI sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Para kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, ipinakita ng pagpapawalang-sala sa kaniyang kliyente na ang mga kasong isinampa laban sa dating mambabatas, “are nothing but harassment suits meant to persecute a political opponent.”
"It also shows how the Department of Justice has been weaponized for the purpose of vexing the critics of government. We are fortunate, however, to have found a fair and impartial tribunal that has proven itself truly independent and impervious to political pressures,” saad ni Topacio sa pahayag.
"There are many more battles left to fight for truth and justice. In this, we shall never waver until the last of these groundless suits is dismissed. For indeed, the wheels of justice grind slowly, but they grind exceedingly fine,” dagdag pa niya.
Masakit mahirap tanggapin
Sa Facebook post, inihayag ni Negros Oriental Rep. Janice Degamo, biyuda ni Roel, na “painful and difficult to accept” ang naging desisyon ng Manila court na iabsuwelto si Teves.
“While this news is painful and difficult to accept, it does not erase the fact that there are still multiple court trials ongoing, for other 2019 murder cases and for the Pamplona Massacre that took the life of Roel. Those proceedings continue, and so does our pursuit of accountability,” ayon kay Degamo.
“Justice is not always swift, and it is never easy, but I believe it will prevail. For my husband. For every victim. For every family left behind. We will continue to hope, to endure, and to fight for truth and justice,” dagdag niya.
Sinabi rin niya na patuloy niyang susuportahan ang mga pamilya ng mga biktima habang patuloy nilang hinahanap ang hustisya sa pamamagitan ng legal na proseso.
“Our pain is shared, our resolve is collective, and our voices will not be silenced by setbacks along the way,” anang kongresista. -- Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News

