Hindi kabilang ang Pilipinas sa iniulat na listahan ng mga bansang sinuspinde ng administrasyong Trump ang pagproseso ng mga visa papuntang Amerika.
Ito ang inihayag ni Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez sa GMA News Online sa pamamagitan ng text message.
Ang Pilipinas ang ang pinakamatandang kaalyado ng Amerika sa Asya base sa kasunduan o tratado.
Ayon sa ulat ng Fox News na sinipi ng Reuters, sinabing pansamantalang ititigil ng US State Department ang lahat ng pagproseso ng visa para sa mga bisita mula sa 75 bansa simula sa Enero 21.
Batay sa isang memorandum mula sa State Department, kabilang umano sa listahan ang Somalia, Russia, Iran, Afghanistan, Brazil, Nigeria, at Thailand.
Noong nakaraang Nobyembre, iniutos ni US President Donald Trump ang malawakang pagsusuri sa mga kaso ng asylum at mga green card o permanent residence permit na ibinigay sa mga dayuhan matapos mapatay ng isang Afghan national ang isang miyembro ng National Guard sa Washington, D.C.
Ayon sa ulat, inatasan ng State Department ang mga embahada ng US na huwag magbigay ng mga visa alinsunod sa umiiral na batas habang muling sinusuri ng departamento ang mga pamamaraan nito.
Mula nang bumalik sa White House, mahigpit na ipinatutupad ni Trump ang mga batas sa imigrasyon at iniutos ang malawakang deportasyon ng mga iligal na migrante na isa sa kanyang pangunahing pangako sa kampanya.
Samantala, binigyang-diin ng papaalis na embahador ng Washington sa Maynila na si MaryKay Carlson, sa kaniyang farewell reception noong Miyerkules ng gabi, ang matibay at pangmatagalan na ugnayan ng US at Pilipinas.
"People-to-people ties are what form the basis of our enduring bond, the enduring bond between our two nations. There are over 1.3 million US citizens who have visited the Philippines in 2024 alone, deepening the connections of family, friendship, and shared history," ani Carlson. — Michaela Del Callar/FRJ GMA Integrated News
