Isang 65-anyos na babae ang pinagbabaril at napatay sa loob ng kaniyang bahay habang naghuhugas ng pinggan sa Umingan, Pangasinan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay San Vicente nitong Martes dakong 7:00 pm.
Ayon sa pulisya, pinasok ng dalawang salarin ang bahay ng biktima at pinagbabaril habang naghuhugas noon ng pinggan.
Nagtamo ng tama ng bala sa tagiliran at leeg ang biktima na hindi na umabot nang buhay nang dalhin sa ospital.
Tumakas naman ang mga salarin sakay ng motorsiklo. Nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang isang basyo ng bala na mula sa kalibre .9MM na baril, at isang sumbrero na hinihinalang gamit ng isa sa mga suspek.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga salarin at sinusuri rin ang mga CCTV camera sa mga lugar na posibleng dinaanan ng mga ito na maaaring makatulong sa imbestigasyon.
Ayon kay Police Major Jimmy Paningbatan, hepe ng Umingan Police Station, inihayag ng mga kaanak na walang kaaway at walang utang ang biktima.
“Ang sinasabi nila personal na galit sa ating biktima ang sanhi ng pamamaril sa kaniya,” saad ng opisyal. “May lead na tayo, kinukuha pa namin ang karagdagang detalye para mabigyan o mapatunayan kung ito ba ay totoo.”
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News
