Nasawi ang isang lalaki matapos ma-confine ng ilang araw sa ospital dahil sa tinamong bugbog mula sa dating nobyo ng babaeng kinakasama na ngayon ng biktima sa Calamba, Laguna.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, makikita na nakahiga na ang biktimang si James Deus Ticzon, nang dumating ang suspek at pinagsusuntok at pinagsisipa ang biktima noong Enero 9.
Hindi na nagawang makalaban ni Ticzon, habang tinangka naman ng kaniyang nobya na si Leana Marie Perez na awatin ang suspek na dati niyang nobyo.
“Sunod-sunod po na ang unang pagkabira niya as in ‘di niya po tinigilan. As in, naggaganon po siya, nagsisipa. Mukhang nakainom po siya nung time na yon,” ayon kay Perez.
Dinala si Ticzon sa ospital at naratay bago pumanaw noong January 14. Noong January 11, nakapagdiwang pa siya ng kaarawan.
“Sabi niya, ‘Mama, hihiga na ako’. Doon po siya parang inatake… Medyo nagtirik po siya and nanigas yung mga kamay,” ayon sa ina ng biktima na si Maribeth Ticzon.
Pangarap pa raw sana ng kaniyang anak na magtrabaho sa ibang bansa para maiahon sila sa hirap.
Sinabi naman ni Perez na sadyang nanakit na noon pa man ang kaniyang dating nobyo.
“Yung parang sasakalin, itutulak, ganon… buntis po ako noon,” sambit niya.
Hustisya ngayon ang panawagan ng pamilya ng biktima dahil hindi pa nadadakip ang suspek.
“Initially, the complaint is sa barangay level kasi initially it was physical injury. Then since the expiration ni victim, magpa-file tayo ng murder case din. Kumpleto na yung folder natin pero we need to wait sa mismong complainant natin para ma-file natin totally sa court ito,” ayon kay Calamba Component City Police Station Officer-in-Charge Police Lieutenant Colonel Dennis de Guzman. – FRJ GMA Integrated News
