Dalawang lalaki ang itinuturing suspek ng pulisya sa kaso ng 15-anyos na babae na nakitang patay at hinihinalang ginahasa sa plantasyon ng pinya sa Polomolok, South Cotabato. Pero ang mga kaanak ng biktima, naniniwala na grupo o hindi lang dalawa ang posibleng may kagagawan ng krimen.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing natagpuan ang bangkay ng biktima nitong Huwebes, matapos na ideklarang nawawala nang hindi makauwi ng kanilang bahay noong Lunes.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima na may dinaluhan na selebrasyon at nag-swimming sa isang resort. Subalit hindi umano nagpaalam ang biktima sa kaniyang pamilya.
Ayon sa tiyuhin ng biktima na si Roberto Escaran, walang sugat sa itaas na bahagi ng katawan ang pamangkin nang makita ang bangkay nito. Gayunman, sa may bandang balakang umano ang tinamo nitong mga sugat.
Hinihinala rin nila na ginahasa ang biktima dahil nakababa ang shorts nito nang matagpuan. Pero hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng awtopsiya sa labi ng dalagita para makumpirma kung talagang pinagsamantalahan ang biktima.
Dalawang kaibigan na lalaki ng biktima ang inaresto na edad 22 at 26.
Ayon sa pulisya, ang 22-anyos ang rider na sumundo sa biktima at nagdala sa plantasyon kung saan naghihintay umano ang 26-anyos na kasama nito.
“Prior to that incident, ka-angkas ng suspek natin yung victim, talagang pinagplanuhan ng dalawa at para ma-satisfy sila doon sa kanilang intention,” pahayag ni South Cotabato Police Provincial Office Director, Colonel Samuel Cadungon.
Inihayag din ng pulisya na itinanggi ng dalawa na may kinalaman sila sa krimen. Ngunit may nakita umanong mga sugat sa isa sa mga suspek na hindi nito maipaliwanag kung saan nakuha.
“So far, normally nag-deny [yung suspek]. Siyempre mag-depende talaga sa mga information na ibinibigay ng mga credible witnesses natin. In fact, meron pa nga diyan pina-medical natin isa sa possible result sa medical may bruises na hindi nila ma-explain saan nanggaling. So matugma tugma natin,” dagdag ni Cadungon.
Sa ngayon, kasong homicide ang isasampa laban sa mga suspek habang hindi pa nakukumpirma kung ginahasa nga ang biktima.
Hinihinala naman ni Escaran na posibleng higit sa dalawa ang gumawa ng krimen laban sa biktima na dapat umanong imbestigahan.
Paliwanag niya, matangkad at malakas ang kaniyang pamangkin at hindi kakayanin ng dalawa lang kapag lumaban ito.
Kaya umaasa sila silang mahuhuli rin ang posibleng iba pang kasama sa grupo ng mga suspek para mabigyan ito ng hustisya ang biktima. – FRJ GMA Integrated News
