Hindi nakaligtas sa disgrasya sa kalsada ang isang estudyante kahit pa sa pedestrian lane na siya tumawid matapos na masalpok ng motorsiklo na mabilis ang arangkada sa Tabaco City sa Albay.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang kuha ng CCTV camera sa pagtawid ng biktima sa pedestrian lane.
Sa lakas ng pagbangga, nakaladkad pa ng ilang metro ang bata at tumilapon din ang rider.
Ayon sa pulisya, nagkasundo ang magkabilang panig na sasagutin ng rider ang pagpapagamot sa biktima na patuloy na nagpapagaling sa ospital. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
