Natagpuang patay ang isang estudyante sa loob ng University of Makati (UMak) nitong Biyernes, ayon sa unibersidad.
Sa isang pahayag, sinabi ng UMak na nakipag-ugnayan na ito sa pamilya ng estudyante at nakipagtulungan sa mga awtoridad para sa isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
“We extend our heartfelt sympathies to the student’s family and loved ones during this difficult time,” ayon sa UMak.
Ipinaalala ng unibersidad na mayroong mga guidance counselor, mga gurong sinanay para rito, at mga kawani upang magbigay ng suporta at psychological first aid sa mga miyembro ng komunidad ng UMak na nangangailangan ng tulong.
“We kindly ask the community to respect the family’s privacy by refraining from spreading speculative details and by upholding compassion across all platforms,” ayon sa unibersidad.
Nakipag-ugnayan ang GMA News Online sa pulisya para sa karagdagang impormasyon tungkol sa insidente, ngunit wala pa silang inilalabas na pahayag hanggang sa oras ng paglalathalang ito.— Joviland Rita/FRJ GMA News

