Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ligtas kainin ang laman ng ipinamamahagi nilang prepacked na family food pack (FFP) para sa mga nasalanta ng kalamidad. Nilinaw din niya na P797.80 ang halaga ng bawat food pack. at hindi mahigit P1,500 gaya ng kumakalat online.

Nitong Lunes, sinabi ni Gatchalian, na ang P1,503.84 na binabanggit online ay tumutukoy sa Approved Budget for the Contract (ABC), o pinakamataas na halagang itinakda para sa procurement, at hindi sa aktuwal na halagang binayaran ng gobyerno.

“Actually, fake news,” sabi ni Gatchalian sa panayam ng GMA News Unang Balita, patungkol sa presyp ng FFP na mahigit P1,503.

Ipinaliwanag niya na ang P1,503.84 na ABC ay ang pinakamataas na halagang maaaring ilaan para sa procurement, samantalang ang aktuwal na halagang ibinayad para sa bawat food pack ay P797.87 lang.

Idinagdag ng kalihim na dumadaan sa competitive bidding ang mga procurement ng DSWD. Ibinibigay umano ang kontrata sa supplier na nag-aalok ng pinakamababang tumugon sa mga kinakailangan ng ahensya at sumusunod sa itinakdang technical specifications.

Sinabi ni Gatchalian na hindi dapat mapagkamalan ang ABC bilang aktuwal na presyong binayaran ng DSWD para sa bawat food pack.

Ginawa niya ang paglilinaw matapos kumalat sa social media ang isang post na nagsasabing mahigit P1,500 ang halaga ng isang family food pack.

Laman sa food pack ang mga sumusunod:

  • Anim na kilo ng bigas (vacuum packed),
  • Apat na canned corned beef,
  • Apat canned tuna,
  • Dalawang canned sardines,
  • Limang sachets ng 3-in-1 instant coffee,
  • Limang sachets ng powdered choco malt drink

Itinanggi rin ni Gatchalian ang mga pahayag na hindi ligtas kainin o hindi angkop para sa pagkonsumo ng tao ang mga laman ng food pack.

Sinabi niyang personal niyang sinusuri ang mga pagkaing kasama sa mga food pack.

“Walang papasok sa kahon na ’yan na hindi ko personal na natikman o kinain,” pagtiyak ng kalihim.

Idinagdag niya na sumasailalim din sa pagsusuri ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga pagkain.

Ayon kay Gatchalian, ginagawa ito upang matiyak na nakatutugon ang mga laman ng food pack sa itinakdang pamantayan para sa kaligtasan at nutrisyon ng pagkain, at angkop ang mga ito para ipamahagi sa mga benepisaryo.

Nauna nang binigyang-diin ng DSWD na may mga kinakailangan sa kalidad at specifications ng mga pagkain bilang bahagi ng proseso ng procurement ng FFP. Sinusuri ang mga laman nito batay sa umiiral na food safety at nutritional standards.

Sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Today, hinimok naman ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, ang publiko na magsaliksik muna at tiyaking tama ang impormasyong nakukuha bago ito i-post online.

“Nakakalungkot na may ganitong mga post, kasi ang DSWD ay naka-focus sa panahon na ito sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan. Dagdag isipin po ng amin pong kagawaran na meron pang mga impormasyon na pinapakalat na hindi po totoo at kulang po sa pag-aaral o pagre-research,” ani Dumlao.

“’Yon pong mga ipino-procure po natin… even procurement activities ay nakapaskil po sa amin pong webpage at meron din po kaming site kung saan napa-publish ang mga procurement documents po natin. Sinusunod po natin lahat ng pamantayan, wala po tayong tinatago,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Dumlao na nagdudulot ng kalituhan sa publiko ang mga hindi beripikadong post, lalo na sa panahon ng kalamidad kung kailan higit na kinakailangan ang malinaw at tamang impormasyon.—FRJ GMA News