Mananatili muna sa Cardinal Santos Medical Center si Leyte Representative Martin Romualdez, na nahaharap sa kasong plunder na nagkakahalaga ng P7.4 bilyon kaugnay ng kontrobersiya sa paggamit ng pondo para sa flood control projects, batay sa pasya ng Sandiganbayan Third Division nitong Huwebes.
Ayon kay Atty. Dennis Pulma, Clerk of Court ng Third Division ng Sandiganbayan, mananatili ang dating Speaker ng Kamara de Representantes sa nasabing ospital hanggang sa maglabas ng panibagong kautusan ang anti-graft court.
Ginawa ang desisyon dahil hindi pa tapos ang korte sa pagtalakay sa mosyon ni Romualdez na humihiling na manatili siya sa Cardinal Santos dahil sa kaniyang mga karamdaman na may kaugnayan sa puso at utak, sabi pa ni Pulma.
“The confinement of former Speaker [Romualdez] in Cardinal Santos will remain until further orders from the court,” ani Pulma sa mga mamamahayag. “Doon muna siya.
Una rito, inakusahan ng prosekusyon na tumanggap umano si Romualdez ng kickback mula kay dating House appropriations panel chairperson Zaldy Co nang 15 beses mula 2022 hanggang 2025. Kabilang din sa mga kapwa akusado sa kaso sina Jocelyn Sereño, na nagtatrabaho para kay Romualdez, at Felecito Guevarra, isang money changer.
Gayunman, muling nilinaw ni Pulma na nasa kustodiya na ngayon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Romualdez dahil naglabas na ang Sandiganbayan Third Division ng commitment order na ikulong ang mambabatas sa New Quezon City Jail sa Payatas, na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng BJMP.
“Being the primary custodian, ang magbabantay roon, the inner circle, are personnel from the BJMP Payatas Male Dormitory,” paliwanag ni Pulma.
Una rito, nasa kustodiya ng Philippine National Police si Romualdez mula Setyembre 7 bago inilabas ng anti-graft court ang commitment order nitong Huwebes, Setyembre 10.
Gayunman, sinabi ni Pulma na maaari pa ring tumulong ang pulisya sa BJMP pagdating sa seguridad ni Romualdez.
“The police still have a role because the BJMP may seek assistance from the PNP-CIDG (Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group) regarding security concerns or security matters. But the primary are BJMP personnel,” dagdag ng opisyal.
Itinakda ng Sandiganbayan Third Division sa Biyernes, Setyembre 11, ang ikalawang araw ng pagdinig sa mosyon ni Romualdez na manatili sa ospital habang nakadetine.
Nitong Huwebes, sinabi ng mga doktor ng Cardinal Santos na sina Kurt Sibayan at Rosilio Torres sa anti-graft court, na hindi emergency ang kondisyon ni Romualdez, pero mataas ang panganib na makaranas siya ng atake sa puso.—FRJ GMA News

