Dahil sa “paihi” o ilegal na pagbebenta ng petrolyo, nabisto ang may P7 milyong halaga ng mga ebidensya at 20,000 litro ng diesel products sa Barangay Tugatog, Malabon.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing nadakip ang tatlong suspek na sangkot sa ilegal na gawain sa ikinasang entrapment operation sa lungsod.

Sinabi ng PNP, na gumagamit ang mga suspek ng powered machine na pang-tubig at mga balde sa pagkakarga ng diesel.

Saka nila ibebenta ang mga bote, balde at drum direkta sa mga “fly-by-night” gasoline station na may tanker.

Nagbabala ang mga awtoridad ang panganib nito dahil hindi dumaan sa safety measures.

Itinuturing ng PNP na economic sabotage ang gawain dahil bukod sa panganib sa kaligtasan at kapaligiran, nawawalan din ng kita ang gobyerno.

Sinampahan na ng kaukulang reklamo ang tatlong nadakip, na mga hindi nagbigay ng kanilang mga pahayag.-- Jamil Santos/FRJ GMA News