Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang sports utility vehicle (SUV) na nakasagasa at nakapatay sa isang batang babae na tumawid sa kalsada sa Pasig City noong Setyembre 10, 2026. Ang lisensiya ng driver, suspendido rin.

Sa inilabas na pahayag ng LTO nitong Martes, nakasaad na iniutos ni Assistant Secretary Markus Lacanilao, ang pagpapalabas ng SCO matapos na maiulat sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes ang insidente tungkol sa sinapit ng biktima na apat na taong gulang.

Batay sa lumabas na mga ulat, pinayagan ng ina ang ng biktima ang kaniyang anak na bumili ng pagkain. Sa CCTV camera, makikita na biglang tumawid ang bata hanggang sa mahagip at magulungan ng SUV.

BASAHIN: Batang babae na bibili ng biskwit sa tindahan, nasawi matapos magulungan ng SUV sa Pasig

Binalikan ng driver ang biktima nang may magsabi na may nadisgrasya siyang bata, at dinala niya ito sa ospital pero hindi na nailigtas ang buhay ng biktima.

Ayon sa pahayag, inaatasan ng LTO ang may-ari at driver ng SUV na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa LTO East Avenue sa Setyembre 22, 2026, upang magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag, at mga kaukulang dokumento kaugnay sa nangyaring trahediya.

Kabilang sa mga paglabag na tinukoy sa SCO laban sa driver ng SUV ang Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Posible na may iba pang pananagutan umano na maaaring matukoy sa nagpapatuloy ng isasagawang imbestigasyon.

Isasailalim din sa 90-day preventive suspension ang driver’s license ng sangkot na driver at inatasan siyang isuko ito sa IID. Kasabay nito, inilagay na rin sa “alarma” ang naturang SUV at driver’s license habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“Sa bawat pagmamaneho, mahalagang siguraduhin muna nating malinaw ang ating dadaanan bago umandar, lalo na sa mga lugar na maraming tao, at kailangang suriing mabuti ang paligid upang tiyaking walang pedestrian o batang maaaring malagay sa panganib,” paalala ni Lacanilao sa pahayag.

Pinayuhan din ng opisyal ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak at huwag hayaang mag-isa ang mga bata sa kalsada. – FRJ GMA News