Tinanggihan ng Senate impeachment court nitong Miyerkoles ang kahilingan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ipagpaliban ang pagtukoy sa kinakailangang threshold para sa paghatol sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang naging desisyon matapos bumoto ang 13 senator-judges laban sa hakbang ni Cayetano na ipagpaliban ang nakatakdang botohan sa threshold nitong Setyembre 23.

Anim na senator-judges lamang ang bumoto pabor kay Cayetano, habang isa ang nag-abstain.

Nauna nang sinabi ni Senate impeachment court presiding officer na si Francis "Chiz" Escudero noong Hulyo 6 na 16 ang threshold na kailangan para sa paghatol, na two-thirds ng 24 na miyembro ng Senado.

Gayunpaman, walang nakasaad sa Konstitusyon na numero ngunit nakasaad “no [impeachable] person shall be convicted without the concurrence of two-thirds of all the members of the Senate.”

Si Senator-Judge Erwin Tulfo ang humiling ng rekonsiderasyon sa desisyon noong Hulyo 6, dahil apat sa 24 na senador ang hindi dumalo sa paglilitis sa impeachment.

Nakadetene sina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta dahil sa kasong pandarambong at iba pang kaugnay na kaso dahil sa pagkakasangkot nila umano sa flood control at mga hindi idineklarang donasyon sa kampanya, ayon sa pagkakabanggit.

Sa kabilang banda, hindi mahanap si Senator Ronald "Bato" dela Rosa sa gitna ng standing warrant of arrest na inisyu laban sa kaniya ng International Criminal Court dahil sa pagkakasangkot niya umano sa mga extrajudicial killings noong giyera kontra droga ng Duterte administration.

Si Senator Loren Legarda naman ay nasa isang extended medical leave sa ibang bansa dahil sa sakit sa baga. —KG GMA News