Umabante sa laban para sa gintong medalya si Carlo Paalam matapos talunin ang world champion na si Makhmud Sabyrkhan ng Kazakhstan sa semifinals ng men’s 55kg boxing sa 2026 Asian Games nitong Miyerkules sa Japan.
Nakuha ni Paalam ang dikit na 3-2 split-decision victory at lalaban para sa finals, kung saan hangad niyang wakasan ang matagal nang pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya sa boxing sa naturang quadrennial tournament.
Hindi madaling kalaban si Sabyrkhan, na gold medalist sa 2025 World Championships at kampeon din sa bantamweight division ng 2024 Asian Championships.
Ipinakita naman ng 28-anyos na si Paalam, silver medalist sa Tokyo Olympics, bronze medalist sa Asian Games, at two-time SEA Games gold medalist, kung bakit nananatili siyang isa sa mga kinikilalang malalakas na boksingero.
Sa simula pa lang ng laban, naging palaban na agad ang Filipino fighter, at nagpakawala ng malilinis na hook na tumama sa kalaban. Apat na hurado ang nagbigay kay Paalam ng kalamangan matapos ang unang tatlong minuto ng laban.
Sa second round, pinabagsak ni Paalam si Sabyrkhan sa ika-42 segundo bago muling tumama ng right straight sa huling 10 segundo. Gayunman, dalawang hurado lamang ang nagbigay sa kaniya ng panalo sa naturang round.
Nagawa ni Paalam na mapigilan si Sabyrkhan sa third at final round kahit nabawasan siya ng isang puntos dahil sa penalty. Nang tumunog ang final bell, nangibabaw si Paalam matapos makuha ang 29-27 na panalo laban kay Sabyrkhan.
Susubukan ni Paalam na muling gumawa ng upset sa gold medal bout sa Biyernes, at makakaharap niya ang hometown bet na si Rui Yamaguchi ng Japan.—Bea Micaller/FRJ GMA News

